FIRST ANNIVERSARY STATEMENT
PASIKLABIN ANG MGA PAKIKIBAKANG MASA BIGKISIN ANG PAGKAKAISA NG MASA AT
SUNDALO
Sa okasyon ng
unang anibersaryo ng pagbubuo ng pinagsanib na PMP at sa harap ng
nagbabantang kombulsyon ng reaksyunaryong sistema, nananawagan ang
Partido sa kasapian na pasiklabin ang mga pakikibakang masa para iguhit
ang independyenteng linya ng rebolusyonaryong kilusan.
Lubos na gumaganda
ang sitwasyon para rebolusyon. Namimilipit sa resesyon ang pandaigdigang
sistemang kapitalista at nasa bingit itong mahulog sa bangin ng
depresyon. Samantala umiigting ang paksyunal na alitan ng naghaharing
uri sa bansa at hindi humuhupa ang ekstra-konstitusyunal na paghamon sa
rehimeng GMA sa kabila ng napipintong eleksyon.
Ang paborableng
sitwasyong pandaigdig at pambansa ay kailangang samantalahin at dapat
nating iguhit ang rebolusyonaryong panawagan sa pamamagitan ng mga
pakikibakang masa ng manggagawa at maralita, ng magsasaka at ibang
demokratikong pwersa sa nalalabing mga buwan ng taong ito.
Umaagos ang
kilusang anti-globalisasyon sa buong daigdig, laluna sa mga abanteng
kapitalistang bansa. Pansamantala lamang na nadiskaril ang momentum ng
mga protestang anti-globalisasyon sanhi ng pagbobomba ng 9/11 at ng
anti-teroristang kampanyang iniluwal nito. Muling bumubwelo ang
pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon at naghahanda para sa
panibagong pagpupulong ng WTO sa darating na Setyembre sa Mexico.
Ang lakas na
inabot ng kilusang anti-globalisasyon ang naging puhunan para sa
masiglang pagsulong ng kilusang anti-gera. Ang rurok na inabot ng
kilusang anti-gera bago ilunsad ang paglusob sa Iraq ay walang kaparis
sa kasaysayan sa bilang ng milyung-milyong masang kumilos sa lahat ng
panig ng mundo. Sa kabila ng mabilis na pagguho ng rehimen ni Saddam,
dinudugo ang imperyalistang US sa okupasyon ng Iraq dahil sa intifada o
pag-aalsa ng mamamayang Iraqi. Saanmang panig ng daigdig, hinahamon ng
paglaban ang pananalasa ng imperyalistang globalisasyon at agresyon.
Sa ating bansa,
ang bagong pag-aalsa ng mga rebeldeng sundalo matapos ang 14 taon ay
senyales ng igting ng antagonismo sa loob ng naghaharing uri na
humuhulagpos sa elektoral at konstitusyunal na hangganan. Ekspresyon din
ito ng malalim na diskuntento ng mamamayan sa sistemang umiiral. Wastong
ituring ang mga sundalo bilang mga manggagawa at magsasaka na unipormado
samantalang nagsasanib ang elementong proletaryado at petiburges sa
hanay ng mababang opisyales militar. Kaya’t hindi maiiwasang tagusin ang
reaksyunaryong hukbo ng radikalisasyong namumuo sa hanay ng masa.
|
Ang grupong
Magdalo ay isang bagong henerasyon ng mga rebeldeng sundalo at opisyales
na kaiba sa dating RAM-YOU ay walang dungis ng paninilbihan sa diktadura
at hindi hinubog ng anti-komunistang ideolohiya. Isang ginintuang
oportunidad ito para sa pag-oorganisa ng rebolusyunaryong kilusan sa
hanay ng reaksyunaryong hukbo. Dapat nating samantalahin ang popular na
simpatyang pinukaw ng rebelyon ng grupong Magdalo at pursigidong
ipanawagan ang pagkakaisa ng mamamayan at sundalo para sa
rebolusyonaryong pagbabago.
Maaga mang nagapi
ang rebelyon, magtatagal pa ang krisis na iniluwal nito. Hindi maaring
isara ang posibilidad ng panibagong ekstra-parlamentaryong aksyon
laluna’t nagbabaga ang paksyunal na alitan bunga ng pagtugis ng rehimeng
GMA sa mga personahe ng oposisyon na sangkot sa rebelyon.
Pag-apuyin natin
ang sitwasyong pampulitika sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga
pakikibakang masa. Dapat sabayan ng kilusang masa ang paglalantad ng
grupong Magdalo sa katiwalian ng rehimen at pagbabando nila ng isang
plataporma de gobyerno. Kailangang maglunsad ng mga pakikibakang
magsasakdal sa imperyalistang globalisasyon, maglalantad sa kabulukan ng
sistema, magbabandila sa mga kahilingan ng masa at magpopopularisa ng
isang progresibong programa. Kung aagos ang mga pakikibaka sa pangunguna
ng uring manggagawa, ito ang pupukaw sa panibagong pagkilos ng mga
rebeldeng militar, hihila sa kanila mula sa impluwensya ng mga
reaksyunaryong karibal ng rehimen at maghihinang sa pagkakaisa ng
mamamayan at sundalo. Hindi man lubos na mahinog ang sitwasyon, ito pa
rin ang pinakamahusay na preparasyon ng uring manggagawa at kilusang
masa sa partisipasyon sa eleksyon kung ito ay matuloy.
Habulin natin sa
huling hati ng dalawang-taong programa ng Partido ang pag-abot sa mga
layunin at target na itinakda natin sa ating mga sarili. Gayundin,
kailangang mapagpasyang lutasin ang mga problemang kinakaharap ng
organisasyon upang hindi mapalampas ang mga oportunidad na binubuksan ng
umiigting na sitwasyon. Ang paglulubos ng integrasyon ng tatlong
partidong nagsanib at ang paglakas ng kilusang manggagawa kasabay ng
pagbangon ng demokratikong kilusan ang ating paghahanda sa tiyak na
pagpihit ng kalagayan sa malapit na hinaharap.
Partido ng
Manggagawang Pilipino
Agosto 4, 2003
|