Sa darating na Oktubre 16, ipagdiriwang sa
buong daigdig ang World Food Day. Angkop na okasyon ang petsang ito
upang patingkarin ang delubyong dala ng globalisasyon sa industriya at
agrikultura, hilingin ang proteksyon sa manggagawa at magsasaka laban sa
globalisasyon, at usigin ang rehimeng Arroyo sa pagpapatupad nito ng
imperyalistang globalisasyon.
Sa araw ng World Food Day dapat mapatampok ang kabalintunaang laganap
ang kagutuman at kasalatan sa buong mundo sa gitna ng kasaganahang likha
ng modernong produksyon. Dapat malantad ang katotohanang ang
liberalisasyon ng ekonomiya ay instrumento ng imperyalistang mga bansa
para dominahin ang atrasadong mga bayan. Dapat mahubaran ang alamat ng "malayang
kalakalan" at "malayang kompetisyon" sa panahong namamayagpag ang
monopolyo kapital sa buong daigdig.
Magandang oportunidad ang okasyon ng World Food Day para ilunsad ang
alyansa ng manggagawa at magsasaka, para bigkisin ang pagkakaisa ng
masang anakpawis. Una, ang pagkakaisa ng manggagawa, maralita at
magsasaka ay matibay na ipundar sa batayan ng komon na pakikibaka laban
sa salot na globalisasyon. Ikalawa, ang paghihinang ng alyansa ng
proletaryado at pesante ay krusyal sa pagsusulong ng pangkalahatang
demokratikong pakikibaka, at susi sa pagwawagi ng demokratikong
rebolusyong bayan. Ikatlo, bigkisin ang pagkakaisa ng manggagawa at
magsasaka, ng mga prodyuser at konsumer sa harap ng reaksyunaryong
taktika na hatiin ang hanay ng masang anakpawis.
Isang mapanlasong kasinungalingan ang ibinubuga ng estado na
makikinabang ang sambayanang Pilipino, laluna ang manggagawa at maralita,
sa liberalisasyon. Una, diumano mas murang angkat na pagkain at produkto
ang maaring bilhin ng mga konsumer. At ikalawa, anila'y magiging mas
episyente ang lokal na industriya at agrikultura dahil oobligahin ng
kompetisyon ng mas murang produkto mula sa ibayong dagat.
Pawang kalokohan ang mga ito, gaya ng pangakong magmumura ang tubig at
kuryente dahil sa pribatisasyon. Sa simula ay dadagsa ang pagkain at
produkto na mas mura ang presyo kasya sa ani at gawang lokal. Pero
matapos matalo ng dayuhang produkto ang gawang lokal, mananaig na ang
dayuhang monopolyo sa lokal na ekonomiya. Kapag durog na ang kompetisyon
at nangibabaw na ang monopolyo kapital, kaya nitong kontrolin ang presyo
at sa malao't madali itataas ang presyo para mapalaki ang tubo.
Higit pa rito, kapag nawasak ang pambansang ekonomiya ng dayuhang
kompetisyon, mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa at ng kabuhayan ang
mga magsasaka. Ang mga konsumer na kunwa'y makikinabang sa murang presyo
ay mga prodyuser din na sasalantain naman ng di-pantay na kompetisyon ng
dayuhang produkto at monopoyo kapital.
Ang kahilingan ng mga magsasaka para sa proteksyon laban sa
globalisasyon ay kahalintulad din ng panawagan ng mga manggagawa at
maralita. Ang masang anakpawis sa kabuuan ay |
sinasalanta at dinedelubyo ng liberalisasyon,
deregulasyon at pribatisasyon. Kung epidemya ang sarahan ng pabrika at
tanggalan sa trabaho, kaliwa't kanan naman ang bentahan ng lupa dahil sa
pagkalugi ng mga magsasaka. Kung ang patakaran ng estado sa mga
manggagawa ay baratin ang sahod, ang aktitud naman nito sa mga magsasaka
ay bawasan ang subsidyo. Kung nakikibaka ang mga manggagawa para sa
seguridad sa trabaho at karapatan sa paggawa, inilalaban naman ng
magsasaka ang subsidyo sa pagsasaka at repormang agraryo. Ang kahilingan
ng mga manggagawa na tutulan ang mga imposisyon ng WTO ay panawagan din
ng mga magsasaka, kasama ng paggigiit na alisin ang agrikultura sa
saklaw ng imperyalistang institusyong ito.
Ang pagbatikos sa pagpapakatuta ng rehimeng Arroyo sa imperyalismo at
ang pagbasura sa WTO bilang instrumento ng globalisasyon ang wastong
pampulitikang panawagan sa Oktubre 16. Ang kagutuman at kahirapang
palalalain ng liberalisasyon ng agrikultura, kasama ang bigas, ang
angkop na maging linyang pang-ahitasyon.
Isang taktikal na laban para sa mga magsasaka--na dapat lamang
suportahan ng mga manggagawa at maralita--ang pagdiskaril sa panukalang
batas sa Kongreso hinggil sa liberalisasyon ng agrikultura. Kung
mailulusot ang batas na ito, malalagay sa peligro ang kinabukasan ng
lagpas 2 milyong magsasaka ng palay at kanilang pamilya. Hindi lamang
ang mga magsasaka kundi ang sambayanang Pilipino ang pipinsalain nito
sapagkat mawawalan ng seguridad sa pagkain ang bansa at aasa na ito sa
angkat na ani. Ang seguridad sa pagkain ay usapin ng pambansang interes
at kapakanan ng sambayanan. Ang isang bayang walang sapat na ani at
imbak na batayang pagkain, gaya ng bigas, at sa halip nakaasa sa angkat
na produkto, ay peligrosong makontrol at madominahan ng ibang bansa.
Sa World Food Day, mahusay na ekspresyon ng alyansa ng proletaryado at
pesante ang salubungin ng mga manggagawa at maralita ng NCR ang
mobilisasyon ng mga magsasaka mula sa mga karatig probinsya. Ang
pagkakaisa ng manggagawa at magsasaka sa aktwal na laban, batay sa
linyang anti-globalisasyon, ay dapat magsilbing inspirasyon sa
demokratikong pakikibaka ng buong sambayanan.
Dapat lahukan ng rebolusyonaryong mga pwersa at pangunahan ng mga
partidista at aktibista, ang kilos-protesta ng masang anakpawis sa
Oktubre 16. Organized mobilization ang ating panawagan para tiyakin ang
humigit-kumulang isang libong manggagawa at maralita na sasalubong sa
ganoon din karami o higit pang mga magsasaka.
Gagamitin natin ang mobilisasyon sa World Food Day para ipakilala at
ilunsad ang alternatibong militanteng pampulitikang sentro ng uring
magsasaka. Kasapi ng pormasyong ito ang mga samahang magsasaka na nasa
pamumuno ng Partido. Dapat samantalahin ang pormasyong ito at ang
mobilisasyon para ipalaganap ang paninindigan ng Partido sa
imperyalistang globalisasyon at ipanawagan sa masang magsasaka ang
makauring linya hinggil sa usaping agraryo.###
|