FIRST ANNIVERSARY STATEMENT
PASIKLABIN ANG MGA PAKIKIBAKANG MASA BIGKISIN ANG PAGKAKAISA NG MASA AT
SUNDALO
Sa okasyon ng unang anibersaryo ng pagbubuo ng pinagsanib na PMP at sa
harap ng nagbabantang kombulsyon ng reaksyunaryong sistema, nananawagan
ang Partido sa kasapian na pasiklabin ang mga pakikibakang masa para
iguhit ang independyenteng linya ng rebolusyonaryong kilusan.
Lubos na gumaganda ang sitwasyon para rebolusyon. Namimilipit sa
resesyon ang pandaigdigang sistemang kapitalista at nasa bingit itong
mahulog sa bangin ng depresyon. Samantala umiigting ang paksyunal na
alitan ng naghaharing uri sa bansa at hindi humuhupa ang
ekstra-konstitusyunal na paghamon sa rehimeng GMA sa kabila ng
napipintong eleksyon.
Ang paborableng sitwasyong pandaigdig at pambansa ay kailangang
samantalahin at dapat nating iguhit ang rebolusyonaryong panawagan sa
pamamagitan ng mga pakikibakang masa ng manggagawa at maralita, ng
magsasaka at ibang demokratikong pwersa sa nalalabing mga buwan ng taong
ito.
Umaagos ang kilusang anti-globalisasyon sa buong daigdig, laluna sa mga
abanteng kapitalistang bansa. Pansamantala lamang na nadiskaril ang
momentum ng mga protestang anti-globalisasyon sanhi ng pagbobomba ng
9/11 at ng anti-teroristang kampanyang iniluwal nito. Muling bumubwelo
ang pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon at naghahanda para sa
panibagong pagpupulong ng WTO sa darating na Setyembre sa Mexico.
Ang lakas na inabot ng kilusang anti-globalisasyon ang naging puhunan
para sa masiglang pagsulong ng kilusang anti-gera. Ang rurok na inabot
ng kilusang anti-gera bago ilunsad ang paglusob sa Iraq ay walang
kaparis sa kasaysayan sa bilang ng milyung-milyong masang kumilos sa
lahat ng panig ng mundo. Sa kabila ng mabilis na pagguho ng rehimen ni
Saddam, dinudugo ang imperyalistang US sa okupasyon ng Iraq dahil sa
intifada o pag-aalsa ng mamamayang Iraqi. Saanmang panig ng daigdig,
hinahamon ng paglaban ang pananalasa ng imperyalistang globalisasyon at
agresyon.
Sa ating bansa, ang bagong pag-aalsa ng mga rebeldeng sundalo matapos
ang 14 taon ay senyales ng igting ng antagonismo sa loob ng naghaharing
uri na humuhulagpos sa elektoral at konstitusyunal na hangganan.
Ekspresyon din ito ng malalim na diskuntento ng mamamayan sa sistemang
umiiral. Wastong ituring ang mga sundalo bilang mga manggagawa at
magsasaka na unipormado samantalang nagsasanib ang elementong
proletaryado at petiburges sa hanay ng mababang opisyales militar.
Kaya’t hindi maiiwasang tagusin ang reaksyunaryong hukbo ng
radikalisasyong namumuo sa hanay ng masa.
|
Ang grupong Magdalo ay isang bagong henerasyon ng mga rebeldeng sundalo
at opisyales na kaiba sa dating RAM-YOU ay walang dungis ng paninilbihan
sa diktadura at hindi hinubog ng anti-komunistang ideolohiya. Isang
ginintuang oportunidad ito para sa pag-oorganisa ng rebolusyunaryong
kilusan sa hanay ng reaksyunaryong hukbo. Dapat nating samantalahin ang
popular na simpatyang pinukaw ng rebelyon ng grupong Magdalo at
pursigidong ipanawagan ang pagkakaisa ng mamamayan at sundalo para sa
rebolusyonaryong pagbabago.
Maaga mang nagapi ang rebelyon, magtatagal pa ang krisis na iniluwal
nito. Hindi maaring isara ang posibilidad ng panibagong
ekstra-parlamentaryong aksyon laluna’t nagbabaga ang paksyunal na alitan
bunga ng pagtugis ng rehimeng GMA sa mga personahe ng oposisyon na
sangkot sa rebelyon.
Pag-apuyin natin ang sitwasyong pampulitika sa pamamagitan ng
paglulunsad ng mga pakikibakang masa. Dapat sabayan ng kilusang masa ang
paglalantad ng grupong Magdalo sa katiwalian ng rehimen at pagbabando
nila ng isang plataporma de gobyerno. Kailangang maglunsad ng mga
pakikibakang magsasakdal sa imperyalistang globalisasyon, maglalantad sa
kabulukan ng sistema, magbabandila sa mga kahilingan ng masa at
magpopopularisa ng isang progresibong programa. Kung aagos ang mga
pakikibaka sa pangunguna ng uring manggagawa, ito ang pupukaw sa
panibagong pagkilos ng mga rebeldeng militar, hihila sa kanila mula sa
impluwensya ng mga reaksyunaryong karibal ng rehimen at maghihinang sa
pagkakaisa ng mamamayan at sundalo. Hindi man lubos na mahinog ang
sitwasyon, ito pa rin ang pinakamahusay na preparasyon ng uring
manggagawa at kilusang masa sa partisipasyon sa eleksyon kung ito ay
matuloy.
Habulin natin sa huling hati ng dalawang-taong programa ng Partido ang
pag-abot sa mga layunin at target na itinakda natin sa ating mga sarili.
Gayundin, kailangang mapagpasyang lutasin ang mga problemang kinakaharap
ng organisasyon upang hindi mapalampas ang mga oportunidad na binubuksan
ng umiigting na sitwasyon. Ang paglulubos ng integrasyon ng tatlong
partidong nagsanib at ang paglakas ng kilusang manggagawa kasabay ng
pagbangon ng demokratikong kilusan ang ating paghahanda sa tiyak na
pagpihit ng kalagayan sa malapit na hinaharap.
Partido ng Manggagawang Pilipino
Agosto 4, 2003
|