ng
PARTIDO NG MANGGAGAWANG PILIPINO
(Pinagsanib)
PREAMBULO
Kami,
ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa Pilipinas na binubuo ng mga
manggagawang mulat-sa-uri at mga rebolusyonaryong indibidwal mula sa ibang
uring natitipon sa isang rebolusyunaryong talibang partido ng pakikibaka ng
uring manggagawa para sa demokrasya at sosyalismo, sa ultimong layuning
ibagsak ang kapitalistang sistema at itayo, kasama ng mga sosyalistang
kilusan ng ibang bansa, ang sosyalistang lipunan sa buong daigdig, sa
paniniwalang makakamit lamang ang sosyalismo kung mapalalaya ang uring
manggagawa sa pamamagitan ng pagkilos mismo ng masa ng uri, sa tanglaw ng
Marxismo-Leninismo at sa mapanlikhang paglalapat nito sa kongkretong
kalagayan ng pakikibaka ng mga manggagagawa sa bansa at
sa mga aral ng progresibong karanasang panlipunan
ng sangkatauhan at ng higit sa pitumpong taong karanasan ng pagbubuo
ng partido at proletaryong rebolusyon sa Pilpinas ay buong-kapasyahan at
walang-pasubaling itataguyod at ipatutupad ang Konstitusyong ito.
ARTIKULO I
PANGALAN, SAGISAG AT AWIT
NG PARTIDO
Seksyon 1. Ang Partido ay makikilala sa pangalang
Partido ng Manggagawang Pilipino (Pinagsanib).
Seksyon 2. Ang sagisag
ng Partido ay ang maso’t karet sa loob ng tatlong bituing nakaayos nang
patatsulok. Ang maso’t karet ay orihinal na simbolo ng komunismo habang ang
mga bituin ay kumakatawan sa tatlong pinagsanib na partido; sa Luzon,
Visayas at Mindanao; at sa mamamayang Pilipino, Bangsamoro at Lumad.
Seksyon 3. Ang awit ng
Partido ay ang Internasyunal.
ARTIKULO II
LAYUNIN
Seksyon 1. Ang ultimong layunin ng Partido ay ang
rebolusyonaryong pagpapabagsak ng kapitalismo sa Pilipinas at sa buong mundo
at, kaisa ang mga sosyalistang kilusan sa buong daigdig, maitayo ang isang
pandaigdigang sosyalistang lipunan na ang pinakamataas na pag-unlad ay ang
komunismo. Ang sosyalismo ay isang kaayusang katatangian ng abolisyon ng
pagsasamantala ng tao sa tao at lahatang-panig na pag-unlad ng lahat. Ang
sosyalismo ay ipupundar sa kumon na pag-aari ng lipunan sa mga instrumento
ng produksyon, at sa partisipasyon at kontrol ng lahat sa administrasyon ng
buhay panlipunan.
Seksyon 2. Ang kagyat na layunin ng Partido ay
ipagtagumpay ang pakikibaka para sa kasarinlan at demokrasya, ipagwagi ang
pinakamalawak na mga kalayaan at karapatan, at kamtin ang mga ekonomiko’t
panlipunang reporma para sa mga manggagagawa at sambayanan bilang
preparasyong pampulitika ng uri sa pakikibaka sa sosyalismo.
Seksyon 3. Layunin nitong payabungin at paunlarin
ang makauring kamulatan, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa
upang maitaas ang kanilang ispontanyong pakikipaglaban sa antas ng mulat na
pakikihamok para sa estado poder at pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon.
Seksyon 4. Nilalayon ng Partido na maging taliba ng
uri, pamunuan ang pakikibaka ng uring manggagawa para sa sosyalismo, akuin
ang tungkuling hanapin ang tamang landas ng pagsulong at tiyakin ang
ultimong tagumpay ng proletaryado sa pamamagitan ng pagpapahusay ng Partido
sa syensya at sining ng pagrerebolusyon. Kikilalanin ang Partido bilang
taliba ng uri hindi lamang dahil kumbinsido ang masang manggagagawa sa
kawastuhan ng mga adhikain nito kundi dahil may kumpyansa sila sa kakayahan
nitong ipagtagumpay ang rebolusyon.
Seksyon 5. Nilalayon ng Partido na palaganapin ang
diwa ng internasyunalismo sa masang manggagawa at gawing integral na bahagi
ng internasyunal na rebolusyong manggagawa ang proletaryong rebolusyon sa
Pilipinas sapagkat gayong pambansa ang anyo ng makauring pakikibaka ng
proletaryado laban sa burgesya tanging sa pandaigdigang saklaw makakamit ang
ganap na paglaya ng uring manggagawa.
[top]
ARTIKULO III
KASAPIAN
Seksyon 1. Sinumang mamamayang
Pilipino o naninirahan sa Pilipinas, 16 taong gulang pataas o may sapat na
matyuridad, na sumasang-ayon sa mga layunin ng Partido, handang sumunod sa
Konstitusyon, tumupad sa kapasyahan ng organisasyon, at pumaloob sa isang
yunit ng Partido at handang gumampan ng mga tungkuling pampartido sa abot ng
kanyang makakaya, ay maaaring maging kasapi.
Seksyon 2. Tatanggapin bilang Kandidatong Kasapi ng
Partido ang isang nirerekluta matapos sang-ayunan, bigyan ng oryentasyon ng
Partido at pasumpain ng organo o sangay ng Partidong nagrekluta. Ang
minimum na haba ng panahon ng pagiging Kandidatong Kasapi ay:
a.
Anim (6) na buwan para sa mga manggagawa,
mala-manggagawa at magsasaka, at kabataang mula sa manggagawa,
mala-manggagawa at magsasaka;
b.
Isang (1) taon para sa mga petiburges at kabataang
nagmula sa petiburgesya, intelektwal, uring kapitalista o panginoong maylupa;
k.
Dalawang (2) taon para sa mga nagmula sa uring
kapitalista at panginoong maylupa.
Seksyon. 3 Lahat ng kasapi ng Partido ay
pasusumpain ng sangay o organo ng Partido na nagrekluta sa kanila. Ang
sumpa ng Partido ay ang sumusunod:
Ako, si (pangalan), ay sumusumpang magiging
tapat sa Partido ng Manggagawang Pilipino. Itataguyod ko ang Konstitusyon at
Programa ng Partido, igagalang at ipatutupad ko ang mga desisyon ng Partido
at ipagpipitaganan ko ang disiplina ng Partido.
Buong sigasig kong gagampanan ang pundamental na
tungkuling organisahin ang makauring pakikibaka ng uring manggagawa tangan
ang determinasyong ipagtagumpay ito upang maisabuhay ang ultimong layuning
agawin ang kapangyarihang pampulitika sa burgesya at itayo ang sosyalistang
lipunan.
Paninindigan ko, ipagtatanggol at ipalalaganap ang
Marxismo-Leninismo bilang teoryang gabay sa rebolusyon ng uring proletaryado.
Pangangalagaan at ipaglalaban ko ang kapakanan ng Partido na kasinghalaga ng
pangangalaga at pakikipaglaban para sa uring anakpawis.
Sa pagsasakatuparan nito, mulat kong gagampanan ang
saligang tungkulin ng isang kasapi na magpakabihasa sa masusing pag-aaral
upang mapaunlad ang Marxismo-Leninismo, mapalalim ang aking makauring
pananaw at mapaunlad ang epektibong paggampan sa aking rebolusyonaryong mga
tungkulin.
Rerespetuhin ko ang mga karapatan ng aking mga kasama
alinsunod sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasapi at bilang
pagpapalaganap sa internal na demokrasya ng Partido at lalagi akong matapat
dito sa aking mga pampulitikang pagkilos.
Nahahanda akong magsakripisyo at ibuhos ang lahat ng
aking makakayanan, buhay ko ma’y ialay, para sa Partido at sa layunin ng
rebolusyonaryong sosyalismo sa bansa at sa buong daigdigan.
Seksyon 4. Ang mga Kandidatong Kasapi ay hindi
magtatamasa ng lahat ng mga karapatan ng mga Ganap na Kasapi. Gayunman,
inaaasahan ang kanilang pagtupad sa kanilang mga tungkulin na gaya rin ng
isang Ganap na Kasapi, tulad ng aktibong paggampan sa mga gawain, pagbabayad
ng buwanang butaw-kasapi, iba pang mga butaw, subskripsyon sa mga lathalain
ng Partido at paglahok sa mga aktibidad na iniaatas ng Partido.
Seksyon 5. Maaaring alamin ng Kandidatong Kasapi
ang kanyang katayuan matapos ang minimum na panahon ng kanyang pagiging
Kandidatong Kasapi at nararapat na ipaliwanag sa kanya ang mga dahilan
sakaling ipagpapaliban pa ang pag-angat sa kanya bilang Ganap na Kasapi.
Seksyon 6. May kapangyarihan ang mga pambansang
organong baguhin ang haba ng panahon ng pagiging Kandidatong Kasapi depende
sa pagbabago sa pampulitikang sitwasyon at internal na kalagayan ng Partido.
Seksyon 7. Ang Kandidatong Kasapi ay magiging Ganap
na Kasapi batay sa rekomendasyon ng sangay o organong nagrekluta at
pagkatapos itong maaprubahan ng kinauukulang nakatataas na organo.
Seksyon 8. Ang muling pagsapi ng dating mga kasapi
ay pagpapasyahan ng mas nakatataas na organo. Ang pagsapi ng mga indibidwal
na nagmula sa ibang pampulitikang partido o organisasyon ay pagpapasyahan ng
Komite Sentral o ng kaukulang organo depende sa antas ng pasasapiing
indibidwal. Sila ay tatanggapin ng Partido bilang mga Kandidatong Kasapi
maliban na lamang kung sila ay direktang iangat ng Komite Sentral o ng
kaukulang organo bilang mga Ganap na Kasapi.
Seksyon 9. Ang mga kasaping hindi regular na
makagagampan ng kanilang mga tungkulin ay hindi ititiwalag sa Partido bagkus
ay ituturing na mga loyalista ng Partido. Inaasahang tutuparin nila ang
minimum na obligasyong magbayad ng butaw, tangkilikin ang mga lathalaing
pampartido at lumahok sa mga pagkilos na ipananawagan ng Partido. Tungkulin
ng nakasasaklaw na sangay ng Partido na panatilihin ang pag-ugnay at
pagpapaunlad sa kanila. Maaari silang dumalo at lumahok sa mga pulong na
papayagan ng sangay subalit walang karapatang bumoto at mahalal.
Seksyon 10. Maaaring awtomatikong mapawalang-bisa ang
pagiging kasapi ng sinumang kasaping anim (6) na buwang tuluy-tuloy na hindi
makaugnay sa Partido sa kabila ng mga pagsisikap na siya ay ugnayan ng
kinabibilangan niyang sangay o organo. Obligasyon ng sangay o organong
paalalahanan siya sa nalalapit na pagpapawalang-bisa ng kanyang kasapian.
ARTIKULO IV
KARAPATAN AT
OBLIGASYON NG MGA KASAPI
Seksyon 1. Ang mga karapatan ng mga kasapi ng
Partido ay ang sumusunod:
a.
Mahalal bilang delegado sa mga Kumperensya at
Pambansang Kongreso ng Partido;
b.
Maghalal at mahalal sa mga namumunong organo ng
Partido;
k.
Lumahok sa mga talakayan at sa pagbubuo ng
desisyon ng yunit na kinabibilangan niya;
d.
Maghapag ng anumang panukala, kritisismo, o
pahayag sa anumang organo hanggang sa Pambansang Kongreso para sa
pagpapaunlad ng mga gawain o sistema ng pagkilos ng Partido alinsunod sa mga
sistemang isinasaad sa Konstitusyon o itinatakda ng kaukulang organo ng
Partido.
e.
Mag-apela sa nakatataas na organo ng Partido
hinggil sa anumang desisyon na hindi niya sinasang-ayunan habang
ipinatutupad ang kanyang obligasyong sundin ang nasabing desisyon at
tumanggap ng responsableng tugon mula sa kaukulang mga organo;
g.
Magharap ng at makipagdebate para sa naiibang mga
patakaran at mungkahi, kabilang na ang isang alternatibong plataporma kung
may substansyal na pagkakaibang nakikita kaugnay ng Programa, Konstitusyon
at Pampulitikang Plataporma ng Partido, at sumapi sa isang paksyon alinsunod
sa itinatakda ng Konstitusyong ito;
h.
Magpaabot sa Komite Sentral ng mga sulating
naglalaman ng sariling pagsusuri, opinyon o pagtingin hinggil sa anumang
usaping pampartido. Obligasyon ng Komite Sentral na ipalaganap ito sa buong
kasapian maliban kung makasisira ito sa pagkakaisa sa pagkilos ng Partido.
i.
Pumuna sa anumang organo at sinumang lider ng
Partido sa tamang mga porum ng Partido;
l.
Tamasahin ang karapatan sa due process sakaling
sampahan ng akusasyon o kaso, na may karampatang aksyong pandisiplina kung
napatunayang nagkasala;
m.
Matrato bilang kasama at tamasahin ang karapatan
sa pantay-pantay at walang pagkiling na pagpapatupad sa Konstitusyon sa
lahat ng kasapi;
n.
Kusang magbitiw sa Partido. Sinumang kasaping
nagnanais magbitiw sa Partido ay dapat magsumite ng nakasulat na paliwanag
sa batayan ng kanyang pagbibitiw at ilinaw ito sa pulong ng kinabibilangang
sangay o organo ng Partido.
Seksyon 2. Tatamasahin ng mga Kandidatong Kasapi,
katulad ng mga Ganap na Kasapi, ang nabanggit na mga karapatan maliban sa
karapatang mahalal at maghalal sa posisyon, maghalal at mahalal bilang
delegado sa mga Kumperensya at sa Pambansang Kongreso, at bumoto sa
pinagdidesisyunang mga usapin.
Seksyon 3. Ang mga obligasyon ng mga kasapi ay ang
sumusunod:
a.
Maging tapat sa Partido at sundin ang Konstitusyon
nito, maging aktibo sa isang yunit ng Partido at ipailalim sa direksyon ng
Partido ang lahat ng kanilang pampulitikang aktibidad, ipatupad ang mga
patakaran at desisyon ng namumunong mga organo ng Partido, at gumampan ng
gawain sa Partido sa abot ng kanilang makakaya.
b.
Tiyaking napauunlad ang kanilang pag-unawa sa
Marxismo-Leninismo, pataasin ang kanilang pang-ideolohiya at pampulitikang
antas upang matugunan ang mahigpit, maigting at walang-pakikipagkompromisong
pagtunggali sa burges na ideolohiya at mga distorsyon ng teorya ng
Marxismo-Leninismo.
k.
Lubos na lumahok sa Party School, iba pang
edukasyong pampartido at panloob na tunggaliang pampartido.
d.
Palakasin ang pagkakaisa ng Partido at ipagtanggol
ito mula sa lahat ng tipo ng kaaway o katunggaling pwersa. Ipagtanggol ang
mga adhikain at layunin ng Partido sa lahat ng pagkakataon nang walang
binibitawang anumang konsesyon. Pangalagaan ang seguridad ng Partido sa
kanilang pagkilos, sa kalagayang napasakamay ng kaaway, at ipagtanggol ang
prestihiyo ng pagiging kasapi ng Partido.
e.
Paunlarin, palakasin at palawakin ang organisasyon
at impluwensya ng Partido sa hanay ng uring manggagawa at masang anakpawis
sa pamamagitan ng masikhay na pagkumbinsi sa kanila sa katumpakan ng
Programa at mga patakaran ng Partido at pagpapasapi sa kanila sa Partido.
Ipatupad ang mga desisyon ng Partido, kahit matapos silang makipagdebate at
bumoto laban dito.
g.
Ipatupad ang mga desisyon ng Partido, kahit
matapos silang makipagdebate at bumoto laban dito;
h.
Maagap na mag-ulat sa kinauukulang namumunong
organo, hanggang sa Komite Sentral, hinggil sa anumang nalalaman nilang
paglabag ng sinumang kasapi sa Konstitusyon at mga desisyon at patakaran ng
Partido, at sa anumang pangyayaring makasisira o makapagsasapanganib sa
Partido.
i.
Tratuhin ang lahat ng kasapi ng Partido bilang mga
kasama;
l.
Maagap na magbayad ng butaw, magbigay at mangalap
ng dagdag na kontribusyong materyal at pinansyal ayon sa kanilang kakayahan.
m.
Itaguyod at ipalaganap ang pahayagan at iba pang
mga lathalain ng Partido;
[top]
ARTIKULO V
DEMOKRATIKONG
SENTRALISMO
Seksyon 1. Ang prinsipyong pang-organisasyon ng
Partido ay ang demokratikong sentralismo batay sa orihinal na konsepto ni
Lenin at sa praktika ng Bolshevismo. Nangangahulugan ito ng sentralisadong
pagkilos at pag-iral ng internal na demokrasya sa Partido.
Seksyon 2. Ang Pambansang Kongreso ng Partido ang
pinakamataas na organo ng Partido. Ito ay binubuo ng mga halal na delegado
mula sa kasapian at may kapangyarihang maghalal sa sentrong pamunuan ng
Partido, ang Komite Sentral.
Seksyon 3. Ang pagkilos at operasyon ng lahat ng mga
organisasyon ng Partido ay nakapailalim sa Komite Sentral na pinakamataas na
namumunong organo sa pagitan ng mga Pambansang Kongreso.
Seksyon 4. Ang mga pinuno at kagawad ng mga
namumunong organo ng Partido sa lahat ng antas ay kinakailangang ihalal, at
may pananagutan sa at maaaring i-recall ng mga kapulungang naghalal sa
kanila.
Seksyon 5. Kinikilala ang awtonomiya ng bawat yunit
o organo sa partikular na saklaw ng pagkilos nito o sa ispesipikong
responsibilidad na ipinagkaloob ng organong nagbuo dito nang hindi
sumasalungat sa sentralismo ng Partido at awtoridad ng mga namumunong organo
ng Partido.
Seksyon 6. Pinahihintulutan ang pag-iral ng isang
caucus ng minorya sa loob ng isang yunit o organo. Ang minority caucus ay sa
layuning magkonsolida ng punto tungo sa mas malusog na tunggalian ng ideya
subalit ng pag-iral nito ay di dapat makasira sa pagkakaisa sa pagkilos ng
Partido.
Seksyon 7. Matapos ang malayang talakayan sa mga
usaping pagpapasyahan, ang mga desisyon ng Partido ay ipatutupad alinsunod
sa sumusunod na panuntunan:
a.
Ang lahat ng organisasyon at kasapi ng Partido ay
nakapailalim sa Komite Sentral.
b.
Ang nakakababang organo ay nakapailalim sa
nakatatas na organo.
k.
Ang minorya ay nakapailalim sa mayorya.
d.
Ang indibidwal ay nakapailalim sa organisasyon.
ARTIKULO VI
ALITUNTUNING PANG-ORGANISASYON
Seksyon 1. Ang quorum ng lahat ng kapulungan ay
simpleng mayorya ng kabuuang kasapian ng yunit o organo.
Seksyon 2. Ang desisyon hinggil sa anumang panukala
o usapin ay maaari lang marating matapos ang malayang talakayan kung saan
ang mga kasapi ay nagkaroon ng sapat na pagkakataong ilahad ang kanilang mga
opinyon at pagkatapos pagbotohan ng simpleng mayorya ng kapulungan.
Seksyon 3. Ang pagboto ay dapat ayon sa sariling
pagtingin at kongklusyon ng mga indibidwal batay sa mga diskusyon at debate.
Sa mga Kumperensya o sa Pambansang Kongreso, bagama’t katungkulan ng isang
delegado na epektibong ipahayag sa kapulungan ang pagtingin at posisyon ng
yunit, organo o kumperensyang naghalal sa kanya, hindi siya tali dito sa
kanyang pagboto.
Seksyon 4. Ang prinsipyo ng kolektibong pamumuno ay
paiiralin sa lahat ng antas. Lahat ng mahahalagang desisyon ng bawat yunit o
organo ay dapat na marating sa kolektibong paraan. Gayunpaman, dapat
bigyang-puwang at payabungin ang inisyatiba ng mga indibidwal nang tinitiyak
ang kanilang pananagutan sa mga sariling desisyon at indibidwal na panukala.
Seksyon 5. Lahat ng desisyon ng nakatataas na
organo ay ipatutupad ng nakabababang organo at ng mga indibidwal na kasapi
nito. Gayundin, pananagutan ng nakatataas na organo sa nakabababang organo
at sa kasapian ang pagbubuo, pagpapaunawa at pagpapatupad ng mga patakaran.
Seksyon 6. Ginagarantyahan ang karapatang magbuo ng
isang tendensya sa layunin ng malusog na tunggalian ng ideya sa loob ng
Partido. Ang ilang anyo ng karapatang ito ay ang mga sumusunod:
a. Pagbubuo ng minority caucus sa anumang yunit o antas;
b. Pagpapahintulot sa isang grupo sa loob ng Komiteng
Rehiyon na binuo batay sa isang malinaw na tindig sa isang usaping
pinagtatalunan na mangampanya sa kanilang saklaw bilang bahagi ng diskusyon
tungo sa isang panrehiyong kumperensya na magpapasya sa isyung
pinagdedebatihan;
k. Ang sukdulang anyo nito ay ang pagbibigay-laya sa
isang minorya sa Komite Sentral na mangampanya sa kasapian ng kanilang
posisyon at manawagan ng paglulunsad ng Pambansang Kongreso sa layong
baliktarin sa paraan ng Kongreso ang mayoryang desisyon ng Komite Sentral.
Papayagan ang tendensya na maglunsad ng organisadong mga talakayan sa
kasapian ng Partido at mangalap ng mga kasapi batay sa pagsang-ayon ng mga
ito sa plataporma ng tendensya. Tungkulin ng tendensya na isumite sa Komite
Sentral ang plataporma na malinaw na naglalaman ng mga layunin ng paksyon,
ang batayan sa pagsapi dito, ang listahan ng mga kasapi at mga pinuno, ang
istrukturang pang-organisasyon, at ang mga kapangyarihan ng pamunuan nito.
Tungkulin ng Komite Sentral na ipamahagi sa kasapian ang plataporma at ang
iba pang mga dokumento ng tendensya. Mabubuwag ang tendensya matapos ang
Pambansang Kongreso at ang sikretong paksyon ay hindi papayagang umiral.
Seksyon 7. Ang mga delegado sa mga Kumperensya o sa
Pambansang Kongreso ay ihahalal sang-ayon sa proporsyon ng bilang ng kasapi
at sa mga batayang itatakda ng mga namumunong organong nagpatawag ng
Kumperensya o ng Pambansang Kongreso.
Seksyon 8. Ang halalan para sa mga delegado, at sa
mga pinuno at kagawad ng mga namumunong komite ay sa pamamagitan ng
sikretong balota.
Seksyon 9. Sinumang pinuno o kagawad ng namumunong
mga komite ay maaaring tanggalin sa posisyon sa pamamagitan ng direktang
petisyon ng 2/3 ng buong kasapian ng kumperensyang naghalal sa kanya. Bukod
dito, sinumang kagawad ng Komite Sentral ay maaaring tanggalin sa pwesto sa
boto ng 2/3 ng Komite Sentral o 2/3 ng mga Komiteng Rehiyon. Ang mga batayan
sa pagtanggal sa pwesto ay matinding pampulitikang pagkakamali, malubhang
kapabayaan sa gawain o pang-ideolohiyang paglihis.
ARTIKULO
VII
AKSYONG PANDISIPLINA
Seksyon 1. Maaaring patawan ng aksyong pandisiplina
ang sinumang kasapi ng Partido sa anuman sa sumusunod na mga batayan:
a.
Pag-atake sa Partido sa publiko;
b.
Paglabag sa Programa ng Partido;
k.
Paglabag sa Konstitusyon ng Partido;
d.
Paglabag sa Disiplina ng Partido; at
e.
Sadyang pagsasapanganib sa seguridad ng Partido at
kasapian nito.
Seksyon 2. Kung nakagawa ang kasapi ng hindi
sinasadyang pagkakamali o nilabag niya ang Konstitusyon o Programa ng
Partido sa menor na paraan lamang, maaaring hindi siya patawan ng aksyong
pandisiplina. Gayunman, dapat tukuyin sa kanya ng kaukulang yunit ng Partido
ang nasabing pagkakamali o paglabag.
Seksyon 3. Ang sumusunod na aksyong pandisiplina ay
maaaring ipataw ng kaukulang yunit ng Partido sa anuman sa mga batayang
nabanggit sa Seksyon 1 ng Artikulo VII:
a.
Mahigpit na pagpuna at babala sa muling pag-ulit
ng nasabing kamalian;
b.
Pagtanggal mula sa posisyong halal sa loob ng
Partido;
k.
Pagsuspinde ng karapatang bumoto at/o karapatang
dumalo sa mga pulong ng Partido nang hindi lalampas sa labindalawang (12)
buwan; at
d.
Pagtiwalag sa Partido;
Seksyon 4. Ang sumusunod na alituntunin ay
ipatutupad bago magpataw ng anumang aksyong pandisiplina sa sinumang kasapi:
a. Pormal na paghaharap ng nakasulat na kaso sa
kaukulang yunit ng nasasangkot.
b. Kung ang nagsampa at ang sinampahan ng kaso ay
kabilang sa iisang yunit, pagpapasyahan ang usapin ng yunit na
kinabibilangan nila.
k.
Kung ang nagsampa ng kaso at ang kinasuhan ay mula
sa magkaibang yunit, pagpapasyahan ang usapin ng kagyat na nakatataas na
organo ng Partido.
d. Kung
ang kasaping kinakasuhan ay kabilang sa nakatataas na organo ng Partido,
dapat itong imbestigahan at pagpasyahan ng nasabing nakatataas na organo.
e. Ang
akusado ay dapat pagkalooban ng kopya ng nakasulat na habla. Dapat niya
itong matanggap nang di bababa sa pitong (7) araw bago ang pagdinig sa kaso.
g.
Maaaring humiling ang nag-akusa at akusado ng
manananggol na tutulong sa pag-uusig o pagdedepensa sa kaso sa harap ng
yunit o organong may hawak ng kaso;
h.
Bago buksan ang paglilitis, magtatalaga ang yunit
o organo ng mag-iimbestiga sa mga akusasyon at magpapasya kung may sapat na
batayan upang dinggin ang kaso. Lahat ng kasapi ng Partido ay obligadong
magbigay ng lahat ng nalalaman nilang mga impormasyong kailangan sa pagdinig
at pagpapasya sa kaso.
i.
Kung ang akusadong kasapi ay hindi nabibilang sa
yunit ng Partidong dumidinig sa kaso, may karapatan siyang magsumite ng
nakasulat na pahayag ukol sa kaso sa nasabing organo. Ang akusado ay maaari
ring humingi ng pahintulot sa nasabing organo para dumalo sa pagdinig sa
kaso.
l.
Ang kasaping pinatawan ng aksyong pandisiplina ay
may karapatang mag-apela sa nakatataas na organo ng Partido. Dapat gawin ang
apela sa loob ng dalawampu’t walong (28) araw mula nang magkabisa ang
aksyong pandisiplina. Gayunman ipatutupad ang aksyong pandisiplina habang
dinidinig ang apela.
Seksyon 5. Ang aksyong pandisiplina laban sa mga
kasapi ng KS ay maaari lamang ipataw ng KS mismo o ng Pambansang Kongreso.
Gayunman, ang mga kasapi ng KS ay maaari lamang itiwalag ng Partido sa
pamamagitan ng pagboto rito ng dalawang-katlong (2/3) kasapian ng KS o ng
mayorya ng mga delegado sa Pambansang Kongreso.
Seksyon 6. Sa kalagayan ng banta sa seguridad o
ari-arian ng Partido, maaaring lagpasan ng KS o ng KP ang prosesong nakasaad
sa Seksyon 4 ng Artikulong VII at kagyat na magpataw ng aksyong pandisiplina
para protektahan ang Partido. Ang nasabing aksyong pandisiplina ay iuulat sa
unang pulong ng susunod na nakatataas na organo ng Partido.
Seksyon 7. Ang suspensyon ay pumapatungkol sa
pansamantalang pagkakait ng takdang mga karapatan ng kasapi. Ang isang
suspendidong kasapi, sa panahon ng kanyang suspensyon, ay gagampan sa lahat
ng gawaing itatakda ng yunit o organong naggawad ng aksyong pandisiplina.
Seksyon 8. Ang pagtitiwalag sa Partido ay
aaprubahan ng kagyat na nakakataas na organo.
Seksyon 9. Ang lahat ng kaso ng paksyunalismo at
isplitismo ay lilitisin ng Komite Sentral at kung mapatutunayan ay
ititiwalag sa Partido ang mga kasangkot.
ARTIKULO VIII
PAMBANSANG KONGRESO
Seksyon 1. Ang Pambansang Kongreso ang siyang
pinakamataas na awtoridad ng Partido. Ang mga tungkulin at kapangyarihan ng
Pambansang Kongreso ay ang mga sumusunod:
a.
Pagtibayin at baguhin ang Programa ng Partido;
b.
Pagtibayin at amyendahan ang Konstitusyon ng
Partido; at
k.
Itakda ang bilang ng regular at panghaliling
kasapi ng Komite Sentral at ihalal ang mga kasapi ng KS.
Seksyon 2: Ang Pambansang Kongreso ay ilulunsad
tuwing ikatlong (3) taon. Ang pagpapatawag ng Pambansang Kongreso ay
pagpapasyahan ng Komite Sentral, gayundin ang pagtatakda ng agenda ng
Kongreso, batayan at bilang ng delegasyon, at pagsisimula ng pre-congress na
mga talakayan. Ang Pambansang Kongreso ay maaari ring ilunsad nang mas maaga
sa itinakdang panahon batay sa napagkaisahang pangangailangan nito ngunit
hindi dapat na mabalam ng isang taon maliban na lamang kung hindi
pinahihintulutan ng usaping panseguridad.
Seksyon 3: Itatakda ng Komite Sentral ang
pre-congress na mga talakayan nang hindi bababa sa tatlong (3) buwan bago
ang Kongreso. Oorganisahin ng Komite Sentral ang isang panloob na porum
para sa pagpapalaganap at talakayan ng lahat ng mga nakasulat na panukala
para sa Kongreso. Bahagi nito ang paglalabas ng isang internal na pahayagang
maglalaman ng lahat ng mga dokumentong may kaugnayan sa Kongreso. May
kapangyarihan ang Komite Sentral na piliin ang mga dokumento o paksang
tatalakayin sa Kongreso subalit obligasyon nitong lahat ng isinumiteng mga
dokumento para sa Kongreso ay maihapag sa kapulungan ng Pambansang Kongreso
upang pagpasyahan kung ang ito ay bubuksan bilang paksa ng Kongreso.
Seksyon 4: Ang Pambansang Kongreso ay dadaluhan ng
lahat ng inihalal na mga kinatawan mula sa kasapian. Alinsunod sa bilang na
itatakda ng Komite Sentral, ang kabuuang delegasyon sa Pambansang Kongreso
ay proporsyunal na hahatiin sa mga pambansang organo/yunit at mga
panrehiyong organisasyon ng partido ayon sa bilang ng kani-kanilang kasapian.
May kapangyarihan ang Komite Sentral na mag-anyaya ng walang-botong mga
delegado na makatutulong sa deliberasyon sa mga paksa ng Kongreso.
Seksyon 5: Ang mayorya ng kasapi ng Komite Sentral
ay dapat manggaling sa uring manggagawa. Ang Pambansang Kongreso ay
magtatakda ng mekanismong magtitiyak na maisasakatuparan ito sa panahon ng
eleksyon ng Komite Sentral.
Seksyon 6: Ang isang ispesyal na Kongreso ay
maaaring ipatawag ng dalawang-katlo (2/3) ng mga kasapi ng Komite Sentral o
ng mayorya ng mga panrehiyong yunit ng partido. Ang isang ispesyal na
Kongreso ay mayroong kapangyarihang tulad ng isang regular na Kongreso liban
sa paghahalal ng mga kasapi ng Komite Sentral. Gayunman, maaari ring
maghalal ng Komite Sentral ang isang ispesyal na Kongreso kung ito’y
pagpapasyahan ng dalawang-tatlo (2/3) ng kapulungan.
ARTIKULO IX
KOMITE SENTRAL
Seksyon 1: Ang Komite Sentral (KS) ay ang
pinakamataas na namumunong organo ng Partido sa pagitan ng mga Kongreso nito.
Ang mga kapasyahan ng Komite Sentral ay dapat ipatupad ng lahat ng mga
nakabababang organo at yunit ng partido.
Seksyon 2: Ang pulong ng KS ay hindi bababa ng
dalawang beses kada taon. Ang mga pulong ng KS ay itatakda at ihahanda ng
Komiteng Tagapagpaganap ng KS ng partido.
Seksyon 3: Ang KS ay bubuuin ng regular na mga
kasaping may karapatang bumoto at ng panghaliling mga kasaping mayroong
boses ngunit walang boto sa mga pulong nito. Ang bilang ng regular at
panghaliling mga kasapi ng KS ay pagpapasyahan ng Pambansang Kongreso.
Seksyon 4: Ang mga tungkulin at kapangyarihan ng KS
ay ang mga sumusunod:
a.
Tiyakin ang implementasyon ng Programa,
Konstitusyon at lahat ng mga desisyon ng Pambansang Kongreso;
b.
Pamunuan ang pang-ideolohiya, pampulitika, at
pang-organisasyong mga pagkilos at aktibidad ng partido sa pagitan ng mga
Kongreso;
k.
Magpanukala ng mga pagbabago sa Programa at
Konstitusyon ng Partido;
d.
Magsagawa ng mga pagbabago sa istruktura at
operasyon ng Partido alinsunod sa mga probisyon ng Konstitusyon;
e.
Ipatawag ang Pambansang Kongreso at pamunuan ang
preparasyon dito;
g.
Itakda ang bilang ng Kawanihang Pampulitika na
hindi lalagpas sa kalahati ng kabuuang bilang ng KS at ihalal ang mga
kagawad ng Kawanihang Pampulitika mula sa regular na mga kasapi ng KS at ang
mga pambansang pinuno ng Partido mula sa mga kasapi ng Kawanihang
Pampulitika;
h.
Itayo ang mga panrehiyong organisasyon ng Partido,
gayundin ang mga sangay ng Partido sa ibayong dagat kung kinakailangan;
i.
Itayo ang mga katulong na organo at iba pang mga
istruktura para sa iba’t ibang gawain sa pambansang antas, itakda ang mga
tungkulin ng mga ito at hirangin ang mga kasaping bubuo sa mga ito;
l.
Pamahalaan ang pinansya at mga ari-arian ng
partido;
m.
Humirang ng bagong mga kasapi ng KS upang punuan
ang anumang bakanteng posisyon sa KS na hindi dapat lalagpas sa 40% ng
kabuuang kasapian nito; at
n.
Isakatuparan ang iba pang mga tungkulin ng
pambansang pamunuan na itinakda ng Konstitusyong ito maliban sa mga nakasaad
sa Sek. 1 ng Artikulo VIII.
ARTIKULO X
KAWANIHANG PAMPULITIKA
Ang Kawanihang Pampulitika ang responsable
sa pangkalahatang pamumuno sa Partido sa pagitan ng mga pulong ng Komite
Sentral. Responsibilidad ng Kawanihang Pampulitika na bigyang direksyon ang
pampulitikang pagkilos ng Partido, magpasya sa lahat ng usaping pampatakaran
at magpalabas ng mga atas at direktiba sa lahat ng mga organo’t yunit ng
Partido alinsunod sa mga kapasyahan ng Komite Sentral.
ARTIKULO
XI
KOMITENG TAGAPAGPAGANAP NG KOMITE SENTRAL
Seksyon 1. Ang Komiteng Tagapagpaganap ng Komite
Sentral (KT-KS) ay bubuuin ng mga pambansang pinuno ng Partido at dagdag
pang mga Kasapi ng Komite Sentral sang-ayon sa kapasyahan ng KS.
Seksyon 2. Tungkulin ng KT-KS na pangasiwaan ang
pagpapatupad sa mga desisyon at patakaran ng Kongreso, Komite Sentral at
Kawanihang Pampulitika.
Seksyon 3. Ang KT-KS ay magpupulong nang hindi
bababa sa minsan sa isang buwan.
ARTIKULO XII
MGA PAMBANSANG PINUNO NG PARTIDO
Seksyon 1. Ang mga pambansang pinuno ng Partido ay
ang Tagapangulo, Pangkalahatang Kalihim, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim,
at Kalihim sa Pinansya.
Seksyon 2. Ang Tagapangulo ang nangungunang pinuno
ng Partido at pangunahing responsable sa istratehikong pamumuno ng Komite
Sentral at Kawanihang Pampulitika.
Seksyon 3. Ang Pangkalahatang Kalihim ang susunod
na pinakamataas na pinuno ng Partido. Pangunahin niyang responsibilidad ang
pamumuno sa pang-araw-araw na administrasyon ng mga gawain ng buong Partido
bilang pinuno ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral.
Seksyon 4. Ang Pangalawang Pangkalahatang Kalihim
ang hahalili sa Pangkalahatang Kalihim kung sa pagitan ng mga Kongreso ay
hindi na ito makagampan ng gawain, kusang magbitiw o matanggal sa pwesto.
Seksyon 5. Ang Kalihim sa Pinansya ang pangunahing
responsable sa pagtitiyak na may sapat na pondo at rekurso ang Partido para
maisakatuparan ang mga pampulitika at pang-organisasyong gawain.
ARTIKULO XIII
PANREHIYONG ORGANISASYON NG PARTIDO
Seksyon 1. Ang minimum na bilang na 50 sangay ng
Partido ay maaaring buuin ng Komite Sentral bilang isang Panrehiyong
Organisasyon ng Partido na itatayo sa batayang teritoryal.
Seksyon 2. Ang namumunong organo ng Panrehiyong
Organisasyon ng Partido ay ang Panrehiyong Kumperensya na ipapatawag minsan
sa isang taon ng Komiteng Rehiyon. Maaari rin itong ipatawag sa eksepsyunal
na mga pagkakataon ng pambansang pamunuan ng Partido o ng mayorya ng mga
sangay sa saklaw nito. Ang paglulunsad ng regular na Panrehiyong
Kumperensya ay hindi maaaring mabalam nang lampas sa anim na buwan.
Seksyon 3. Ang mga delegado ng Panrehiyong
Kumperensya ay ihahalal ng mga sangay batay sa proporsyon ng kasapian ng
sangay. Ang mga kagawad ng papalabas na Komiteng Rehiyon ay awtomatikong mga
delegado ng Panrehiyong Kumperensya.
Seksyon 4. Itatakda ng Panrehiyong Kumperensya ang
bilang ng regular at panghaliling mga kasapi ng Komiteng Rehiyon, at ihalal
ang mga ito.
Seksyon 5. Sa pagitan ng mga Panrehiyong
Kumperensya, ang namumunong organo ng rehiyon ay ang Komiteng Rehiyon. Ang
Komiteng Rehiyon ay magpupulong nang hindi bababa sa minsan sa tatlong buwan.
Seksyon 6. Ang mga karapatan at responsibilidad ng
Komiteng Rehiyon ay ang mga sumusunod:
a.
Magbalangkas ng mga
patakaran para sa implementasyon ng plano’t mga kaisahan ng Panrehiyong
Kumperensya; ikoordina at bigyang-direksyon ang gawain ng mga sangay sa
saklaw nito;
b.
Maghalal ng Komiteng
Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon, na siyang magiging responsable sa
pagsasakatuparan ng mga desisyon at mga gawain ng Komite, at ang mga pinuno
ng Rehiyon mula sa Komiteng Tagapagpaganap. Ang mga pinuno ng Rehiyon ay ang
Kalihim, dalawang Pangalawang Kalihim at Ingat-Yaman;
k.
Humirang ng mga bagong kagawad na pupuno sa
nabakanteng mga pwesto sa Komiteng Rehiyon na hindi lalampas sa 40% ng
kabuuang bilang nito;
d.
Magtayo ng panrehiyong dyaryo ng Partido;
e.
Magtalaga ng mga katulong na komite o organo,
itakda ang mga tungkulin at awtoridad ng mga ito, at humirang ng mga
kasaping pupuno sa mga ito;
g.
Magtayo ng mga bagong sangay, magsanib o maghati
ng mga sangay at iba pang yunit ng Partido;
h.
Magtayo ng mga intermedyang organo sa pagitan ng
Komiteng Rehiyon at sangay kung hinihingi ng kalagayan;
i.
Ipatawag ang Panrehiyong Kumperensya, at magpasya
sa batayan ng delegasyon at bilang ng mga delegado at mungkahing mga paksa
sa Kumperensya.
Seksyon 7. Ang Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng
Rehiyon ang responsable sa pang-araw-araw na pagpapatupad sa lahat ng
desisyon at plano ng Panrehiyong Kumperensya at Komiteng Rehiyon. Kabilang
sa mga tungkulin nito ang mga sumusunod:
a.
Subaybayan ang pagpapatupad ng mga gawain;
b.
Tukuyin ang mga pangkalahatang suliranin sa
pagpapatupad ng mga gawain sa batayang antas at magbalangkas ng mga
kaukulang direktiba sa pagkilos ng mga sangay;
k.
Tukuyin ang mga usaping dapat pagpasyahan o
aksyunan ng Komiteng Rehiyon.
Artikulo
XIV
SANGAY
Seksyon 1. Ang batayang yunit ng Partido ay ang
sangay. Bubuin ang sangay ng minimum na tatlong kasapi ng Partido na komon
na kumikilos sa isang ispesipikong lugar o larangan ng gawain at batay sa
desisyon ng Komiteng Rehiyon.
Seksyon 2: May tatlong klase ng
sangay na itatayo ng Partido:
a.
Ang lokal na sangay o LS na itinatayo sa mga
pagawaan, plantasyon, tanggapan o mga lugar ng trabaho, sa mga komunidad,
mga lugar ng tirahan, at sa mga paaralan;
b.
Ang teritoryal na sangay o TS na itinatayo sa
istratehikong mga lugar at/o bagong mga rehiyon na binubuksan; at
k.
Ang organisasyunal na sangay o OS na binubuo sa
hanay ng mga organisasyong masa.
Seksyon 3. Ang mga tungkulin ng sangay sa
pangkalahatan ay ang mga sumusunod:
a.
Pagpaplano at pagpapatupad ng pangmasa at
pampartidong pag-aaral;
b.
Pag-aaral at pagtatalakay ng mga Marxistang
babasahin at mga dokumento ng Partido;
k.
Pagpapalawak ng kasapian ng Partido at pagpili’t
pagpapaunlad sa mga irerekrut sa Partido;
d.
Pag-oorganisa ng mga aktibista at pagpapalawak ng
network ng mga simpatisador at alyado ng kilusan;
e.
Pagbibigay ng tungkulin sa mga masang aktibista at
simpatisador at paggabay sa kanilang pagkilos;
g.
Pagbubuo ng panibagong mga sangay sa iba’t ibang
lugar, organisasyon o inistitusyon;
h.
Pamamahagi ng mga publikasyon ng Partido at
pagsisinop ng distribusyon at sistema ng subskripsyon;
i.
Pagsasagawa ng propaganda at ahitasyon batay sa
linya at mga islogan ng Partido;
l.
Pag-oorganisa ng masa sa iba’t ibang porma ng
samahan at pampulitikang pagkokonsolida sa pagkakaisang ito;
m.
Paglahok at pangunguna sa mga pakikibakang masa at
pampulitikang mobilisasyon;
n.
Pagpapalaganap ng pangmasang mga panawagan ng
Partido at pagpapatupad sa mga patakaran nito;
ng.
Pagpapaunlad ng mga rebolusyonaryong kadre,
pangmasang lider at pultaym na organisador ng Partido;
o.
Pagkolekta ng butaw ng mga kasapi; at
p.
Pagpapasulpot ng pinansya at mga rekurso para sa
Partido.
Seksyon 4. Ihahalal ng pangkalahatang pulong ng
sangay mula sa mga ganap na kasapi nito ang Kalihim at iba pang pinuno ng
sangay na manunungkulan ng isang taon. Sa kalagayang walang ganap na kasapi
ang sangay, hihirang ang kagyat na nakatataas na organo mula sa pinakasulong
na KK para tumayong Kalihim. Ang mga tungkulin ng kalihim ng sangay ay ang
mga sumusunod:
a.
Regular na ipatawag ang pangkalahatang pulong ng
sangay, na ang dalas ay hindi bababa sa isang beses bawat buwan;
b.
Pangasiwaan ang implementasyon ng kabuuang plano
ng sangay;
k.
Asikasuhin ang mga pangangailangan at problema sa
pagkilos ng bawat myembro ng sangay;
d.
Ipatupad ang mga patakaran at panawagan ng Komite
Sentral at mga intermedyang organo at ispesyal na mga yunit ng Partido;
e.
Pangalagaan ang seguridad at disiplinang
pampartido;
g.
Pamunuan ang buong sangay ng Partido sa
mobilisasyon ng makinarya nito para sa mga aksyong masa; at
h.
Buwanang mag-ulat sa kagyat na nakatataas na
organo at pasiglahin ang koresponsal ng sangay sa KS.
Seksyon 5. Sa lokal na mga sangay na mayroon nang
labing limang kasapi, maghahalal ng Komiteng Tagpagpaganap o KT-LS na
magtitiyak sa pamumuno sa pang-araw-araw na gawain ng sangay. Ang indibidwal
na mga kagawad ng KT-LS ay dapat na nag-aasikaso sa gawaing pampartido sa
mga linya ng edukasyon, pinansya, propaganda, rekrutment at mobilisasyon.
Sa ibayong paglaki ng kasapian ng LS, buuin ang mga sub-sangay
sa bawat planta, kalye, kolehiyo o mga organisasyong masa na kinikilusan ng
lokal na sangay.
Seksyon 6. Itinatayo ang mga OS sa mga ligal na
organisasyon upang tipunin ang mga elemento ng Partido bilang mga kolektiba
at tiyakin ang kanilang pampartidong gawain. Ang mga elemento ng Partido na
kabilang sa isang LS ngunit nasa pamunuan ng isang pangmasang organisasyon
ay maaaring tipunin bilang isang kolektiba at gampanan ang mga gawain ng
isang OS ngunit hindi na kailangang tawaging OS kundi isang sub-sangay ng
LS.
Ang partikular na mga tungkulin na gagampanan ang OS ay
ang mga sumusunod:
a.
rebolusyonaryong konsolidasyon ng ligal na
organisasyon;
b.
pagpapahigpit ng buhay pampartido ng mga kasapi ng
OS;
k.
rekrutment ng mga elemento ng Partido at
pag-oorganisa ng mga aktibista at simpatisador;
d.
pagpapatagos sa rebolusyonaryong linya ng Partido
sa ligal na organisasyon; at
e.
pagbubuo ng mga LS kung may teritoryal na gawain.
Seksyon 7. Sa isang istratehikong teritoryong
mayroon nang minimum na sampung (10) LS, itatayo ang teritoryal na sangay na
magsisilbing kagyat na nakatataas na organo ng mga LS.
ARTIKULO XV
PANANALAPI
Sekyon 1. Ang pananalapi ng Partido
ay magmumula sa mga pamumuhunan, kampanyang pampinansya, sentralisasyon,
donasyon, kontribusyon at butaw ng mga kasapi.
Seksyon 2. Ang buwanang butaw ng mga kasapi ay
hindi bababa sa 1% ng kanilang kabuuang kita kung nagtatrabaho o ng kanilang
pampartidong subsidyo kung buong-panahong kumikilos.
Seksyon 3. Ang Komite Sentral ang mamamahala sa
pananalapi at ari-arian ng Partido at regular na magbibigay ng ulat sa mga
pangrehiyong organisasyon hinggil sa pangkalahatang kalagayan ng pananalapi.
ARTIKULO XVI
MGA
SUSOG
Ang mga panukalang susog sa Konstitusyon ay
maaaring buksan sa deliberasyon ng Kongreso kung sasang-ayunan ng 30% ng mga
delegado at mapagtitibay kung pagpapasyahan ng dalawang-katlo (2/3) ng
kapulungan.
ARTIKULO XVII
MGA PROBISYONG
TRANSISYUNAL
Seksyon 1. Ang lahat ng kasalukuyang aktibong mga
kasapi ng nagsanib na mga partido ay magiging mga ganap na kasapi at
ituturing na mga kasaping tagapagtatag ng bagong Partido. Lahat ng kasaping
tagapagtatag ay pasusumpain sa sumpa ng Partido.
Seksyon 2. Ang unang regular na Pambansang Kongreso
ay idaraos sa ikalawang taon ng pinagsanib na Partido.
Seksyon 3. Magkakabisa ang Konstitusyong ito
matapos pagtibayin ng dalawang-katlo (2/3) ng Kongreso ng Pagsasanib ng
Partido. ###
[top]
|