.
PARTY DOCUMENTS

Programa ng Partido ng Manggagawang Pilipino
(Pinagsanib)

I. Pambungad
II. Ang Sosyalistang Maksimum na Programa
III. Ang Demokratikong Minimum na Programa

 I. Pambungad

Puno’t Dulo ng Pagsasamantala at Pagdarahop

  1. Ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon ng lipunan ang ugat ng pagsasamantala at pagkakahati ng mga tao sa uri. Ito ang ultimong bukal ng lahat ng kasamaan at kasakiman sa daigdig. Ang mga uring manggagawa ay alipin ng mga uring nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon.
  2. Mahabang panahong nabuhay ang tao sa paraang komunal. Walang pagsasamantala ng kapwa sa kapwa. Walang pagkakahati sa mga uri. Pero nang umunlad ang mga kagamitan sa produksyon, pinausbong nito ang batayan ng pagsasamantala, ang paglitaw ng pribadong pag-aari, ang paglitaw ng mga uri.
  3. Sa paglitaw ng mga uri, lumitaw rin ang pangangailangan sa isang estado, sa isang instrumento ng karahasan sa ibabaw ng lipunan para supilin ang mga uring pinagsasamantalahan ng mga uring nagsasamantala. Pati ang pamilya bilang institusyon na wala sa lipunang komunal ay lumitaw para may daluyan ng pagpapamana ng pribadong pag-aari.
  4. Subalit bumabagsak ang isang sistema kapag sa sinapupunan nito’y nahihinog ang mas maunlad na sistema ng produksyon, nabubuo ang mga pwersang kumakatawan sa bago, at nagsisimulang maghimagsik ang mga uring inaapi sa lumang kaayusan. Kaya’t mula nang mawasak ang lipunang primitibo komunal, ang kasaysayan ng sangkatauhan ay naging kasaysayan ng makauring mga tunggalian.
  5. Sa lipunang alipin, natatag ang unang porma ng pribadong pag-aari. Ang mga alipin mismo ay pribadong pag-aari ng kanilang mga panginoon. Ang mga alipin ang unang uring manggagawa sa kasaysayan. Ang mga magsasaka sa mga pyudal na lupain ang ikalawang henerasyon ng uring manggagawa. Lumaya sila bilang pribadong pag-aari ng mga panginoong may-alipin upang maging aliping nakatanikala sa lupain ng mga panginoong maylupa.

Pagsilang at Pagkawasak ng Kapitalismo

  1. Mula sa sinapupunan ng naaagnas na pyudalismo, nagsimulang umusbong ang kapitalismo sa mga lungsod—ang sistema ng malakihan at modernong produksyon ng mga kalakal. Nahawi ang sinaunang mga sistema ng maliitan at nakasasapat-sa-sariling produksyon ng ikabubuhay. Sa halip halos ang lahat ng pangangailangan sa lipunan ay binibili at ang buong produksyon ay ibinebenta sa anyo ng kalakal. Upang mabuhay, obligadong kalakalin ng mga manggagawa ang kanilang lakas-paggawa sapagkat wala silang pagmamay-aring kagamitan sa produksyon.
  2. Sa ilalim ng kapitalismo, ginagamit ang syensya at teknolohiya para paunlarin ang kapasidad sa mga pwersa sa produksyon. Ngunit ang pagpapaunlad na ito’y para sa interes ng akumulasyon ng kapital, sa pagkamal ng tubo ng kapitalista, sa tulak ng kapitalistang kompetisyon at hindi para sa benepisyo ng paggawa at pagsulong ng buong lipunan. Walang kaparis ang inigpaw ng kapasidad ng lipunan sa paglikha ng yaman. Pero lalong lumalaki ang agwat sa buhay at tumindi ang pagsasamantala ng mga may-ari ng kapital sa masang anakpawis.
  3. Ang yugto ng malayang kompetisyon noong pagsibol ng sistemang kapitalista ay hinalinhan at umunlad sa yugto ng monopolyo kapitalismo, ang modernong kolonyalismo sa anyo ng imperyalismo. Nilutas ng kapitalismo ang krisis ng labis na produksyon na nag-uugat sa kapitalistang akumulasyon at anarkiya sa produksyon sa pamamagitan ng abolisyon ng malayang kompetisyon at pangingibaw ng monopolyo. Ang krisis ng kapitalismo ay lalong umigting sa panahon ng imperyalismo at nauwi sa pagsiklab ng walang kaparis na mga pandaigdigang digmaan.
  4. Ang tinatawag na yugto ng imperyalistang globalisasyon ay pinakamatingkad na ilustrasyon ng mga kontradiksyon ng kapitalistang produksyon. Binabaklas ang mga proteksyon ng ekonomiya ng mga bansa hindi para magtulungan kundi para maglabanan ng mga kapital at kalakal. Ang pataasan ng produktibidad ay pamurahan ng paggawa. Rumururok ang kapasidad sa produksyon pero lumalala ang pagdarahop sa buong daigdig. Sa partikular, higit na binibigyan nito ng kalayaan ang kapital para ibayong alipinin ang paggawa.
  5. Noong primitibong panahon, kapos na kapos ang produktibidad ng komunal na lipunan pero pinaghahatian ng tao ang produkto ng kanilang kolektibong paggawa. Ngayon sa globalisasyon, sobra-sobra ang kapasidad sa produksyon ng modernong lipunan pero lalong lumalala ang di-pantay na hatian ng yamang likha ng sosyalisadong paggawa. Iisa ang paliwanag dito: ang pribadong pagkamkam ng produkto ng sosyalisadong paggawa na nakasandig sa pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon sa lipunan. Hindi ito simpleng usapin ng inhustisya kundi usapin ng sistema.

Sosyalistang Rebolusyon at Rebolusyonaryong Partido

  1. Sa paglitaw ng kapitalismo, maging sa pag-unlad nito sa globalisasyon, inabot na ng makauring lipunan ang rurok ng pag-unlad sapagkat ang susunod na istorikal na yugto ay ang abolisyon ng makauring lipunan. Ito ang tungkulin ng rebolusyon ng manggagawa. Inilatag mismo ng kapitalismo ang materyal na mga batayan para wakasan ang makauring lipunan at itayo ang sistemang walang pagsasamantala. Isang lipunang komunal ang pamumuhay gaya ng sinaunang panahon pero sa batayan ng modernong produksyon. Isang sistemang kolektibo ang paggawa gaya noong primitibong panahon pero sa batayan ng kolektibong pag-aari ng modernong mga kagamitan sa produksyon. Ito ang sosyalismo, ang kondisyon ng paglaya ng uring manggagawa. Ito ang komunismo, ang ultimong layunin ng rebolusyon ng manggagawa.
  2. Ang dakilang simulain ng abolisyon ng pagsasamantala ay hindi ibinubunsod ng simpleng pangangaral ng mabuting kalooban dahil hindi sa masamang kalooban ng tao nag-uugat ang pang-aapi kundi sa sistema ng produksyong panlipunan. Ang mga sistema ng produksyon ay umuunlad nang independyente sa kagustuhan ng tao, at sa halip itinatakda ng sariling pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon. May obhetibong mga kondisyon na pinagsibulan ng pagsasamantala at may mga kondisyon para maglaho ito. Ang kondisyon sa paglaya ng buong sangkatauhan sa pagsasamantala at pang-aapi ay ang paglaya ng uring manggagawa.
  3. Ang Marxismo-Leninismo ang syentipikong teoryang nagtuturo ng mga kondisyon sa ganap na paglaya ng masang anakpawis. Halaw ito sa mga kaisipan nina Marx, Engels at Lenin, at sa mga aral ng rebolusyong Ruso at lahat ng rebolusyong manggagawa matapos ito. Ang teorya ng Marxismo-Leninismo ang tanglaw ng rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa na ang pundamental na tungkulin ay organisahin ang makauring pakikibaka ng manggagawa tungo sa pagpapabagsak ng kapitalistang sistema. Ang ultimong layunin ng partido ay maging taliba ng uring manggagawa sa pakikibaka para sa sosyalismo. Ang partido ay kailangang matibay na nakaugat sa masa ng uring manggagawa at ginagabayan ng pang-organisasyong prinsipyo ng demokratikong sentralismo.
  4. Ang wasto, matatag at mapanlikhang aplikasyon ng unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas ang mapagpasyang hakbang sa pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng manggagawang Pilipino. Ito ang teoretikal na tanglaw sa pagbubuo ng proletaryong rebolusyonaryong partido sa Pilipinas at pagbabalangkas ng proletaryong programa sa pagsulong rebolusyong Pilipino. Ang rebolusyonaryong kaisipang itinuturo ng Marxismo-Leninismo ay dapat lumaganap at yumabong sa malawak na masa ng uring manggagawa upang ito’y maorganisa bilang isang uring mulat sa sarili at maorganisa bilang partidong pampulitika ng sosyalistang kilusan sa bansa.

Ang Rebolusyong Pilipino at Tuluy-Tuloy na Rebolusyon

  1. Ang mayorya sa lipunang Pilipino ay ang uring manggagawa na sinasaklaw maging ang malaking bilang ng mala-proletaryado. Kahit nananatiling minorya ang manggagawa sa industriya bilang sulong na seksyon ng uring manggagawa, ang mayorya sa kanayunan ay ang mga manggagawang bukid at ang mayorya sa kalunsuran ay ang mga manggagawa sa serbisyo na kapwa pangunahing nabubuhay sa pagpapaupa ng lakas-paggawa. Ang proletaryanisasyon ng lipunang Pilipino ay resulta ng ebolusyonaryong pag-unlad ng kapitalismo sa industriya, agrikultura at komersyo ng bansa at patuloy na paglaganap at paglala ng kahirapan sa buong lipunan. Pinagdurusahan ng manggagawang Pilipino sa lungsod at kanayunan ang matinding pang-aapi at pagsasamantalang tatak ng isang matagal nang bansot na sistemang nasa makupad na kapitalistang ebolusyon at nakapailalim sa magkasanib na kapitalista, imperyalista at pyudal na mga porma ng paghahari at nagbubunga ng depormadong burges na demokrasya. Pero atrasado man ang ekonomiya ng bansa kumpara sa industriyalisadong mga bansa, malinaw ang kapitalistang karakter at proseso ng pang-ekonomiyang pag-unlad at mapagpasyang dominasyon ng pwersang kapital—lokal at dayuhan—sa buhay ng lipunan.
  2. Ang naghaharing estado ay isang burges na estadong kontrolado ng malaking burgesya at naghahari sa burges na paraan. Kasabwat nito sa paghahari ang luma’t dating malalaking asenderong dumaan na rin sa kapitalistang ebolusyon. Ang luma’t bagong mga panginoong maylupa, kasama ng mga komersyante, ang bumubuo sa mga dominanteng pwersa sa kanayunan at kumakatawan sa pinakareaksyunaryong interes sa pulitika sa bansa.
  3. Ang pekulyar na karakter ng rebolusyong manggagawa sa Pilipinas ay ang magkaagapay na pagsusulong ng istorikal na pakikibaka para sa sosyalismo at para sa demokrasya. Pinalalakas ng sosyalistang kilusan ng manggagawa ang pangkalahatang demokratikong pakikibaka ng sambayanan sapagkat ang rebolusyong sosyalista ay susulong sa landas na hinawan ng demokratikong pakikibaka. Pamumunuan ng uring manggagawa ang demokratikong pakikibaka hanggang sa isang matagumpay na demokratikong rebolusyon at itutuluy-tuloy ito sa sosyalistang rebolusyon.
  4. Ang dominasyon ng kapitalistang sistemang pang-ekonomiya, ang paghahari ng reaksyonaryong estadong burges, at ang proletaryanisasyon ng lipunang Pilipino ang obhetibong mga batayan sa pagsulong ng kilusan ng uring manggagawa sa bansa bilang nangungunang kilusang makauri at ang pagsanib dito ng rebolusyonaryong proletaryadong partido para buuin ang isang independyenteng kilusang sosyalista sa Pilipinas. Ang batayan naman ng pagsulong ng kilusang demokratiko ng sambayanan na binubuo ng mga demokratikong uri ay ang dominasyon ng imperyalistang mga pwersa sa pulitika’t ekonomiya ng bansa, ang pananatili ng mga labi ng pyudal na sistema at kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan, ang atrasadong karakter ng agrikultura at makupad na pag-unlad nito, ang pagdami ng mala-proletaryado at ng petiburgesya sa kanayunan at kalunsuran, at ang pagkabangkarote ng estadong burges-asendero at ng kanilang depormadong burges na demokrasya.
  5. Ang relasyon ng uring manggagawa sa magsasaka ang prinsipal na nagtatakda sa demokratikong katangian ng kasalukuyang pakikibaka sa bansa. Hangga’t ang magsasaka ay signipikanteng pwersa sa pakikibaka para sa demokrasya, ang saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka ay dapat itaguyod habang isinusulong ang independyenteng linya ng sosyalistang kilusan sa demokratikong pakikibaka. Malaking posibilidad din na bukod sa uring magsasaka, signipikanteng seksyon ng petiburgesya ay babaling sa rebolusyonaryo-demokratikong tendensya yamang mas malakas ang agos ng proletaryanisasyon mula sa kanilang hanay kaysa pag-angat sa burges na katayuan.
  6. Ang sentral na tungkulin sa panahon ng pakikibaka para sa demokrasya ay ang independyente at konsentradong pag-oorganisa sa makauring pakikibaka ng proletaryado para sa sosyalismo at ang pag-oorganisa sa proletaryado bilang uri at bilang partido. Mismong ang pagsulong ng kilusang demokratiko sa rebolusyonaryong paraan ay nakasalalay sa pagtindig ng malakas na kilusang manggagawa sa unahan nito. Habang nakikipagmartsa ang uring manggagawa sa ibang demokratikong uri sa pakikibaka para sa demokrasya, dapat manatili ang independyenteng sosyalistang linya nito at binabaka ang iba’t ibang makauring tendensya laluna ang petiburges na repormismo at rebolusyonismo. Narito ang kahalagahan ng proletaryong programa para sa rebolusyong Pilipino batay sa makauring pananaw at interes ng sosyalistang smanggagawa.
     

II. Ang Sosyalistang Maksimum na Programa

Sosyalistang Rebolusyon

Ang pagtatayo ng lipunang sosyalista ay katatangian ng radikal na pagbaklas sa tradisyonal na mga relasyon ng pagmamay-ari at tradisyonal na mga ideya sa lipunan. Isa itong higanteng transpormasyon ng lahat ng aspeto ng buhay panlipunan. Ang pagtatayo ng sosyalismo ay nangangahulugan ng dinamikong transpormasyon ng mga relasyon sa produksyon, ng mga moda sa distribusyon, ng mga anyo ng administrasyon ng ekonomiya at lipunan, ng mga kaugalian at tradisyonal na pamamaraan ng pag-iisip o kultura ng tao.

Esensyal na usapin sa pagkakamit nito ang pagwasak sa kapitalistang estado, at ang pagtatatag at pagkokonsolida ng estado ng manggagawa. Ang estado ng manggagawa ay dapat nakabase sa armadong kapangyarihan ng masa at sa demokrasyang manggagawa, ibig sabihin, isang sistema kung saan ang panlipunan at pang-ekonomiyang pagpaplano at pamumuhay ay nasa ilalim ng kontrol ng lumilikha ng yaman.

Gagamitin ng estado ng manggagawa ang pampulitikang kapangyarihan para agawin nang hakbang-hakbang ang pribadong pagmamay-ari ng kasangkapan sa produksyon, para isentralisa ang lahat ng produktibong pwersa at kompletuhin ang sosyalisasyon ng produksyon. Gradwal na papawiin ng estado ng manggagawa ang pagpapaupa ng lakas-paggawa, pauunlarin ang mga produktibong pwersa, at itatayo ang isang lipunang walang uri—ang sosyalismo. Sa pamamagitan ng ganitong kurso ng pag-unlad, ang estado ng manggagawa bilang pampulitikang kapangyarihan ay maglalaho sa pinakaultimo, at sa gayon ay magkakaroon ng asosasyon ng mga tao sa lipunan kung saan “ang malayang pag-unlad ng isa ay kondisyon sa malayang pag-unlad ng lahat.”

Transisyon sa Sosyalismo

  1. Ang sentral na tungkulin ng sosyalistang rebolusyon sa Pilipinas ay ang pag-agaw ng proletaryado at mala-proletaryado ng kapangyarihang pampulitika at pagtatatag ng estado ng uring manggagawa.

    Hindi matitiyak ang eksaktong kumbinasyon ng mga kondisyon sa pagsiklab at tagumpay ng rebolusyong sosyalista sa bansa. Pero sa pangkalahatan, ito’y magaganap kapag umabot sa kasukdulan ang tunggalian sa pagitan ng burgesya at proletaryado, at walang ibang resolusyon dito kundi ang pag-agaw ng estado poder ng uring manggagawa. Ito’y isang kondisyong ang rekisito ay ang pagsambulat ng kapitalistang krisis sa bansa; ang sapat na preparasyong pampulitika ng proletaryado bilang uri at bilang partido; at isang antas ng proletaryanisasyon ng lipunan na mismo ang magsasaka sa kanayunan at petiburgesya sa kalunsuran ay umaabot sa realisasyon ng hindi maiiwasang pagsiklab ng proletaryong rebolusyon.
     
  2. Ang pagtatatag ng estado ng manggagawa ang simula ng sosyalistang transpormasyon ng kapitalistang sistema ng produksyon sa bansa, ng hakbang-hakbang na sosyalistang transisyon tungo sa ganap na abolisyon ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon ng lipunan at abolisyon ng mga uri.

    Hindi makukuha sa isang bigwas ang sosyalismo. Ito’y isang tuluy-tuloy na rebolusyon. Sa bawat hakbang ay nariyan ang mahigpit na pagtutol ng burgesya at mga elemento nito para hadlangan at isabotahe ang sosyalistang pagsulong. Kailangan ang malakas na estado ng manggagawa para biguin ang desperadong pangarap ng burgesya na bumalik sa kapangyarihan.
     
  3. Sa harap ng bawat pagtatangka ng burgesya sa restorasyon, ang konsolidasyon ng estado poder ng uring manggagawa ay obligadong isagawa sa batayan ng proletaryong demokrasya at solidong suporta ng masang anakpawis.

    Ang mapagpasya ay ang pinakamalawak na partisipasyon ng masang anakpawis sa estadong ito. Mangangahulugan ito ng direktang paghawak nila sa kapangyarihang pampulitika, aktibong partisipasyon sa sosyalistang transpormasyon, at mulat na pagdepensa sa sosyalistang rebolusyon at mga tagumpay nito sa pamamagitan ng pag-aarmas ng malawak na masa.

Ang konsepto natin ng estado ng manggagawa ay direktang paghahari ng masa ng uring manggagawa sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga organo ng popular na kapangyarihan sa lahat ng antas ng lipunan. Ang direktang paghahari ng manggagawa ay kasing-kahulugan ng pagkakaorganisa nito bilang naghaharing uri. Ang katiyakan ng direktang paghahari ng masa ng manggagawa ay ang sapat na preparasyong pampulitika ng proletaryado.

Ang kawalan ng direktang paghahari ng masang manggagawa ang isa sa mga aral sa pagbagsak ng mga estado ng manggagawa sa dating Soviet Union at Eastern Europe. Dapat ilinaw na ito’y paghahari ng uring manggagawa at hindi maaaring katawanin lamang ng pampulitikang partido nito. Ang papel ng talibang partido ay ihanda ang proletaryado sa pag-angat nito bilang naghaharing uri at hindi para ipwesto ang sarili bilang estadong kumakatawan lamang sa uring manggagawa.

Ang proletaryo o sosyalistang demokrasya ay kabaliktaran ng demokrasyang burges. Kaiba ito sa pormal na konsepto ng burges na pagkakapantay-pantay ng tao. Ito ay paggigiit ng kapangyarihan ng uring bumubuo sa mayorya sa lipunan. Sa kauna-unahang pagkakataon, sa ilalim ng proletaryong demokrasya, ang mayorya ng mamamayan ay tunay na magkakaroon ng kontrol sa ekonomiya at pulitika ng bansa. Gayunman, ang reaksyonaryong mga elemento at sinumang promotor ng lumang sistema na humahamak sa dignidad ng paggawa at nagsasamantala sa masang anakpawis ay hindi bibigyan ng ‘karapatang’ mag-organisa at kumilos para ibagsak ang estado.

Ang proletaryong demokrasya ay demokrasya para sa masang anakpawis, demokrasya ng tunay na mayorya ng lipunan laban sa nalalabing sagadsaring mga elementong anti-sosyalista. Ang proletaryong demokrasya ay pagbibigay ng kapangyarihan sa masang anakpawis na ang kaparehas na kahulugan ay pagkakait ng kapangyarihan sa mga mapagsamantala.

Itatakwil ng sosyalistang rebolusyon ang mga istandard ng demokrasya ng burgesya — ang burges na parlamento, ang burges na eleksyon, at iba pa. Lilikhain ng sosyalistang rebolusyon, ng sosyalistang estado at ng sosyalistang kamalayan ng masa ang bagong mga porma ng demokrasya, bagong mga institusyon na kumakatawan sa bagong mga kalagayan sa pagsasapraktika ng demokrasya. Ang esensya ng mga porma’t institusyong ito ay ang direktang paghahari ng masa ng uri, ng masang anakpawis sa lahat ng antas ng lipunan.

Inaasahang mananatili pa sa yugto ng transisyon ang mga bahid ng burges na ideolohiya sa lipunan gaya ng indibidwalismo, sexismo, chauvinismo, at iba pa. Sa layuning pawiin ang mga ito, ilulunsad ng estado ng uring manggagawa ang isang malawak na kampanyang pang-edukasyon para itaas ang antas ng pampulitika at pang-ideolohiyang kamalayan ng masa.

  1. Ang pinakaunang hakbang ng sosyalistang estado ay lutasin ang kagyat na mga problema ng masang anakpawis. Ang saligang pangangailangan sa trabaho, pagkain, pabahay, damit, edukasyon at kalusugan ay gagarantiyahan ng estado ng manggagawa. Bago ilaan ang yaman ng lipunan at pondo ng pamahalaan sa ibang prayoridad, kailangang tiyakin munang natutugunan ang saligang mga pangangailangang ito. Walang kwenta ang anumang sistema na nagagawang tugunan ang ibang bagay ngunit hindi ang kagyat at saligang mga pangangailangan ng masa.

    Sa panahong ito ng transisyon mula sosyalismo patungong komunismo, dumadaan din sa transisyon ang estado. Mula sa tagapamahagi ng yaman ng lipunan ay nawawala ang mapanupil na katangian nito tungo sa paglalaho mismo ng kapangyarihang pampulitika nito.
     
  2. Ang tempo ng sosyalistang transpormasyon ng lipunan ay nakasalig sa antas ng pagsulong ng mga pwersa sa produksyon, sa antas ng pag-unlad ng kultura ng uring manggagawa para pamahalaan ang buong ekonomiya, at sa antas ng pag-unlad ng internasyonal na sitwasyon na makatutulong o makasasagka sa sosyalistang konstruksyon sa bansa. Sa unang mga yugto ng sosyalistang transisyon, ang kapitalistang relasyon sa produksyon ay mananatili sa ilang seksyon ng ekonomiya, habang ang mga haligi ng ekonomiya ay isososyalisa sa ilalim ng estado ng uring manggagawa.

    Ang abolisyon ng materyal na mga kondisyon sa pagsasamantala (pribadong pag-aari, dibisyon sa paggawa, produksyon ng kalakal, sahurang paggawa, atbp.) ay dapat umayon sa pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon at internasyunal na sitwasyon.
     
  3. Ipatutupad ang workers’ control hanggang umunlad ito tungo sa workers’ self-management. Ang workers’ control ay ang pagkakaroon ng karapatan ng manggagawa sa pagdedesisyon sa produksyon at veto power sa mga usapin kaugnay ng pamamahala sa produksyon.

    Sa transisyon sa sosyalismo, kakailanganin ng manggagawa ang mga abilidad at pamamaraan ng kapitalistang mga teknokrata at tagapamahala sa pagpapatakbo ng produksyon pero papailalim sila sa superbisyon at kontrol ng manggagawa. Ang papel ng manggagawa ay hindi lamang konsultasyon kaugnay ng plano sa produksyon kundi mismong pagpapasya sa pag-andar ng produksyon at kontrol mismo sa mga teknokrata.

    Uupahan ang kapitalistang mga teknokrata hindi lamang para sa episyenteng pagpapatakbo at pamamahala ng mga pabrika’t industriya kundi para matutunan ng mga manggagawa ang techniques at pamamaraan ng episyenteng produksyon. Sa huli, ang mga manggagawa mismo ang magpapatakbo at mamamahala ng mga empresa at ng ekonomiya nang wala nang mga teknokrata at manedyer na isip-kapitalista.

    Ang ganap na pag-unlad ng sosyalismo ay mangyayari lamang sa pandaigdigang saklaw, at hindi sa batayan ng isang bansa lamang. Nangangailangan ito ng pagsusulong ng proletaryong internasyonalismo bilang kardinal na prinsipyo ng sosyalistang rebolusyon at estado ng manggagawa. Nilalayon ng internasyonalismong ito ang pagbabagsak ng imperyalismo at pagsusulong ng proletaryong mga kilusan sa iba’t ibang bansa tungo sa pandaigdigang rebolusyon. Anumang pag-unlad ng proletaryong rebolusyon sa ibayong dagat, lalung-lalo na sa abanteng industriyalisadong mga bansa, ay isang hakbang pasulong sa transisyon sa sosyalismo at magsisilbing malaking inspirasyon sa proletaryong mga kilusan sa atrasadong mga bansa.


Sosyalismo at Komunismo

Lahat ng sistemang panlipunan na naghari sa mundo ay hindi kathang-isip kundi likha ng kasaysayan, mga realidad ng pag-unlad ng mga relasyon at pwersa sa produksyon. Sapagkat hindi kathang-isip, imposibleng mailarawan ito nang kumpleto na kaparis ng pagkakaplano ng isang arkitekto. Ang deskripyon ng sosyalismo ay mas kritik sa kapitalismo at ang syentipikong kritisismo sa kapitalismo ay ang teorya ng syentipikong sosyalismo. Itinuturo ng syentipikong sosyalismo ang di-maiiwasang pagbagsak ng kapitalismo batay sa panloob na mga kontradiksyon nito.

Likas sa kapitalismo ang anarkiya sa produksyon dahil kahayukan sa tubo ang nagpapagalaw sa kapital. Ang sadyang layunin ng kapital ay pagtubuan ang pangangailangan ng tao, hindi ang pagtugon sa pangangailangan ng lipunan. Kaya’t natural na karakter ng produksyon sa kapitalismo ang pagsabog ng pana-panahong krisis ng sobrang produksyon at istagnasyon ng kapital. Kung problema ng kapitalismo ang pana-panahong paglubog sa krisis, ang mismong pagkakaroon ng krisis ang ginagamit nitong salbabida para muling sumikad ang produksyon. Ebidensya ng kabulukan ng kapitalismo bilang sistema ang krisis ng sobrang produksyon at krisis ng sobrang kapital sa kalagayang salat sa saligang pangangailangan ang mayorya ng sangkatauhan at kinakapos sa puhunan ang mayorya ng mga bansa. May sobrang kapasidad at sobrang produksyon sa gitna ng tagsalat, sobrang puhunan at sobrang kayamanan sa gitna ng karukhaan.

Wala sa kamay ng mga panginoong maykapital ang misyon ng pagwawakas sa kapitalismo gaya ng hindi ang mga panginoong may-alipin ang tumapos sa sinaunang sitemang alipin at hindi ang mga panginoong maylupa ang nagbagsak sa klasikong pyudalismo. Ang uring manggagawa—ang modernong proletaryado—ang may istorikal na misyong wakasan ang sistema ng sahurang pang-aalipin.

Ang proletaryado ang tatapos sa istorikal na misyon ng burgesya ng sosyalisasyon ng produksyon, ang magsusulong nito sa antas ng sosyalisasyon ng pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon upang maging kolektibo ang prosperidad sa batayan ng kolektibong paggawa. Tanging ang uring manggagawa ang may makauring interes sa ganitong simulain sapagkat ito ang uring produkto ng sosyalisadong paggawa, ang uring ang interes ay wala sa pribadong pagmamay-ari, at ang emansipasyon bilang uri ay nasa abolisyon at sosyalisasyon nito para sa benepisyo ng buong lipunan.

Misyon ng sosyalismo na wakasan ang likas na anarkiya sa produksyon ng kapitalismo. Ito ang planadong sosyalistang ekonomiya, kung saan ang produksyon ay para sa prosperidad ng buong lipunan hindi para sa akumulasyon sa tubo ng kapital. Nangangahulugan ito ng ultimong abolisyon ng sistema ng produksyon ng kalakal—ang anarkistang produksyon para sa merkado at hindi planadong produksyon para sa lipunan. Nangangahulugan ito ng isang sistema ng produksyong magsisimula sa prinsipyong “mula sa bawat isa batay sa kanyang abilidad, para sa bawat isa batay sa kanyang trabaho” hanggang marating ang sukdulang produktibidad at prosperidad para ipatupad ang ultimong prinsipyong “para sa bawat isa batay sa kanyang pangangailangan.”

Ang unang yugto ng sosyalismo ay isa nang lipunang walang uri. Ganunpaman ang distribusyon ng yaman ng lipunan ay sang-ayon pa sa kalakarang “mula sa bawat isa batay sa kanyang abilidad, para sa bawat isa batay sa kanyang trabaho.” Nangangahulugan itong iiral pa rin ang di-pantay na distribusyon ng pangangailangan ng tao dahil ang kapasidad sa paggawa ng bawat isa ay hindi pantay-pantay sa lahat ng kaso (paggawa ng matatanda, may kapansanan, at iba pa). Ang estado sa panahong ito ang may pangunahing papel sa pamamahagi ng yaman. Hindi na ito isang mapanupil na makinarya dahil hindi na umiiral ang mga uri.

Ang ikalawa’t abanteng yugto ng sosyalismo, o ang yugto ng komunismo, ay katatampukan ng pamamahagi ng yaman ng lipunan ayon sa “mula sa bawat isa batay sa kanyang abilidad, para sa bawat isa batay sa kanyang pangangailangan.” Sa madaling sabi, hindi na rekisito ang paggawang iniuukol ng bawat tao para tugunan ang kanyang pangangailangan. Bilang resulta ng sosyalisasyon ng produksyon at ng kompletong otomasyon ng produksyon, magkakaroon ng sobra-sobrang produkto, kaya’t ang materyal na pangangailangan ng bawat indibidwal ay kayang-kaya nang matutugunan. Ang estado bilang kapangyarihang pampulitika ay ganap nang maglalaho.

Ang komunismo ang kumakatawan sa pinakamataas na antas ng pagkakaisa ng sangkatauhan. Magaganap ang matagal nang pangarap ng sangkatauhan na “isang asosasyon ng mga tao kung saan ang malayang pag-unlad ng isa ay kondisyon sa malayang pag-unlad ng lahat.”
 

III. Ang Demokratikong Minimum na Programa

Ang pakikibaka para sa demokrasya ay susulong sa dalawang paraan. Sa paraan ng demokratikong reporma sa ilalim ng naghaharing sistema at sa paraan ng demokratikong rebolusyong magbabagsak sa naghaharing estado. Sa panahong hindi pa sumisiklab ang demokratikong rebolusyon, isusulong ang pakikibaka para sa kagyat na mga kahilingan para sa demokratikong reporma sa balangkas ng naghaharing sistema.

Ang pakikibaka para sa demokratikong reporma sa loob ng kasalukuyang kaayusan ay nakatuon sa pagtatanggol at pagsusulong sa interes ng uring manggagawa, at pagdedepensa at pagtataguyod ng interes ng sambayanan tungo sa demokratikong rebolusyon. Ang mga pakikibakang ito ay nagsisilbi sa pagpapalakas ng independyenteng kilusan ng manggagawa na susi para sa makauring pamumuno nito sa demokratikong rebolusyon at preparasyong pampulitika ng uri para sa pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon.

Kaya’t ang demokratikong minimum na programa ay binubuo ng, una, pakikibaka para sa kagyat na demokratikong reporma, at ikalawa, pagpapatupad ng mga tungkulin sa tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang Pakikibaka para sa Demokratikong Reporma


Ang sumusunod na demokratikong mga reporma ang pangunahing ipaglalaban ng Partido:
 

A. Para sa Uring Manggagawa

1. Ganap na kalayaan at karapatan ng manggagawa at empleyado sa pribado at pampublikong sektor na organisahin ang kanilang sarili sa mga unyon at pampulitikang organisasyon. Lahat ng mga restriksyon sa batas na nagpapahirap sa pag-uunyon ay dapat baklasin. Isabatas ang kriminalisasyon ng mga paglabag sa mga batas at istandard sa paggawa.

2. Ganap na kalayaang magwelga para sa lahat ng manggagawa at empleyado sa pribado at pampublikong sektor hindi lamang sa mga isyung pang-ekonomiya kundi hanggang sa mga isyung pampulitika at pasaklawin ito hanggang sa paglulunsad ng general strikes at sympathy strikes. Baklasin ang mga batas na sumusupil o bumabalewala sa karapatang ito gaya ng assumption of jurisdiction, free ingress-egress, atbp. Palakasin at istriktong ipatupad ang mga batas laban sa paggamit ng mga iskirol, pulis at goons sa panahon ng welga.

3. Gawing mandatory sa batas ang pagtatayo ng pambansang mga unyon para sa mga piling linya ng industriya laluna sa mga sektor ng agrikultura, serbisyo, konstruksyon, transportasyon, atbp., na mahirap itayo o hindi epektibo ang lokal na unyon. Ang pagtatayo ng industriyal na mga unyon ang dapat na direksyon ng pagkakaorganisa ng kilusang unyon sa bansa.

4. Ipatupad ng burgesya ang itinatakda ng sariling Konstitusyon at mga deklarasyon ng public policy tungkol sa paggawa at pagtibayin ang kaukulang mga batas para sa implementasyon ng mga ito.

a. Pairalin ang pambansang minimum na istandard sa pasahod at paggawa ng walang diskriminasyon sa linya ng trabaho o kasarian at engganyuhin ang paglampas sa mga istandard na ito sa pamamagitan ng unyonismo.

b. Ipatupad ang Konstitusyunal na karapatan ng bawat manggagawa sa living wage na ang minimum na istandard ay ang daily cost of living ng isang pamilya.

k. Ipatupad ang Konstitusyunal na karapatan ng bawat manggagawa sa trabaho at seguridad sa trabaho. Obligasyon ng estado na tustusan ang pangangailangan ng pamilya ng manggagawang hindi mabigyan ng trabaho. Ipagbawal ang kontraktwalisasyon at pleksibilisasyon ng paggawa at oras ng paggawa na pinapauso ng globalisasyon para mapamura ang lakas paggawa, mapalaki ang tubo at maikutan ang unyonismo. Buksan ang libro ng mga kompanyang nagdedeklarang bangkarote.

d. Ipatupad at palakasin ang Konstitusyunal na karapatan para sa collective bargaining. Kung ang karapatang bumoto sa walang kwentang eleksyon ay ginagawa ng estado na obligasyon ng mamamayan, dapat ay obligasyon din ang pagtatayo ng unyon at pagkakaroon ng CBA Ang pangunahing dahilan kung bakit walang unyon ang mayorya sa manggagawa ay dahil sinasagkaan at nilalansag ito ng mga kapitalista.

e. Baklasin ang withholding tax sa karaniwang manggagawa hangga't hindi naipapatupad ng estado ang progresibong sistema ng pagbubuwis. Itigil ang pagkaltas sa sahod ng payroll taxes gaya ng SSS o GSIS, PAG-IBIG, Philhealth at iba pang indirect taxes gaya ng VAT dahil dagdag na pasanin ito ng uring manggagawa. Ang seguridad at serbisyo ay dapat pasanin ng estado at ng burgesya na nagpapasasa sa yamang panlipunan na likha ng uring manggagawa.

g. Palakasin ang Labor Code at reorganisahin ang DOLE-NLRC sa iisang layuning palawakin at siguruhin ang proteksyon sa paggawa sa panahong ito ng globalisasyon. Patawan ng mabigat na parusa ang mga opisyal ng mga ahensya ng gubyerno at organisasyon sa paggawa na nagpapagamit sa pang-aapi ng burgesya sa uring manggagawa.

5. Itatag ang mga institusyong pampulitika na magiging daluyan ng pinakamalawak na pampulitikang pagkamulat, pagkakaorganisa at partisipasyon ng uring manggagawa sa buhay panlipunan at palakad ng pamahalaan. Ito ay paralel sa istruktura ng kapitalistang gubyerno at binubuo sa teritoryal na batayan at sa pinakademokratikong paraan.

6. Bilang mayorya at pinakaproduktibong pwersa sa ating lipunan, kailangang magkaroon ng boses at representasyon ang manggagawa sa gubyerno, partikular sa lehislatura, kahit na ito’y kapitalistang gubyerno. Ito ay para magsilbing sukdulang oposisyon sa loob ng burges na gubyerno, at hamunin at sagarin ang mga pretensyon ng demokrasyang burges.

Sa paglakas ng kilusang manggagawa at pag-agos ng demokratikong pakikibaka, tama lamang paabutin ang tunggalian sa kapital sa antas ng partisipasyon ng manggagawa sa pagpapaandar ng mga kompanya laluna sa aspeto ng produksyon, bilang pagsasanay at paghahanda sa sosyalistang pangkontrol ng proletaryado sa mga kagamitan sa produksyon ng lipunan at pagpapaandar ng ekonomiya ng bansa.

B. Para sa Uring Magsasaka

1. Lansagin ang monopolyo sa lupa at pawiin ang kondisyon sa pag-iral ng landlordismo sa kanayunan at ipaglaban ang kagyat na demokratisasyon ng kontrol sa lupa at iba pang mga rekurso.

2. Abolisyon ng sistema ng pagbubuwis sa lupa sa anyo ng paggawa, ani o pera para sa pribadong may-aring hindi siya o ang kanyang pamilya ang nagbubungkal, liban na lang kung ang may-ari ay mayroon ng kapansanan, siya ang dating nagbubungkal at ito ang tangi niyang pinagkakakitaan.

3. Abolisyon ng lahat ng porma ng usura sa kanayunan at ipagbawal ang pagpapaalis sa magsasaka sa lupang kanyang binubungkal dahil lamang sa hindi makapagbayad ng utang.

4. Ilagay sa prayoridad ng gubyerno ang pagpapaunlad at modernisasyon ng agrikultura. Balangkasin ang wastong programa na balansyado ang panlipunang progreso at hustisyang panlipunan sa kanayunan. Lahat ng suportang pinansyal at teknikal ay dapat ipagkaloob ng estado sa mga magsasaka mula pagsasaka hanggang pagbebenta ng mga produktong agrikultural. Lansagin ang mga kartel at monopolyo sa produktong agrikultural na nagmamanipula sa presyo, nananamantala sa kahirapan ng magsasaka, nagpapakana ng hoarding at bumabara sa mas malayang pag-unlad ng komersyo sa kanayunan.

5. Itigil ng gubyerno ang patakarang liberalisasyon sa dayuhang pamumuhunan at kalakalan sa agrikultura alinsunod sa balangkas ng globalisasyon o imposiyon ng mga kasunduan sa WTO at IMF-WB. Ang ipatupad ay selektibong liberalisasyon na hindi pumipinsala bagkus nakabubuti sa direktang interes ng masang magbubukid at sustenadong pag-unlad ng ating agrikultura.

6. Paunlarin ang cooperative farms bilang mas pangunahing porma ng pagsasaka kaysa sa maliitang individualized farming at malakihang corporate farming. Engganyuhin ang pagtatayo ng kooperatiba sa halip na indibidwal na pagsasaka.

7. Itigil ang militarisasyon sa kanayunan at lansagin ang paramilitary na mga yunit at organisasyon na nagsisilbi sa panginoong maylupa at sa counter-insurgency campaign ng estado.

8. Ganap na kalayaan ng mga organisasyong pampulitika ng magsasaka na kumatawan sa kanilang makauring interes. Palawakin ang demokratikong karapatan at kalayaan ng magsasaka, at pampulitikang representasyon at partisipasyon sa buhay panlipunan at pag-andar ng pamahalaan

K. Para sa Maliliit na Mangingisda

1. Ganap na pagsasakapangyarihan sa maliliit na mangingisda sa pangangasiwa, pagpapaunlad at pakinabang sa munisipal na mga pangisdaan.

2. Paglalaan ng tiyak na pondo ng pamahalaan para sa rehabilitasyon at pagpapaunlad sa lahat ng pook pangisdaan.

3. Istriktong pagbabawal sa paggamit ng mapanirang mga uri ng palakaya, tulad ng trawl, sudsod, buli-buli, lason at kuryente, sa munisipal na mga pangisdaan.

4. Ganap na kontrol ng mga samahan o kooperatiba ng maliliit na mangingisda sa mga fishpen, fishcage at palaisdaan. Pagbuwag sa lahat ng fishpen, fishcage at fishpond na sagabal sa malayang daloy ng tubig at nakasisira sa ecosystem ng pangisdaan.

5. Makamit ng mga manggagawa sa palaisdaan ang mga proteksyon at benepisyo na tinatamasa ng mga manggagawa sa industriya.

6. Mabigyan ang maliliit na mangingisda ng modernong teknolohiya sa pangingisda hanggang sa pagpoproseso.

7. Pagbabawal sa pagpasok ng sariwang isda (non-processed) mula sa ibang bansa.

8. Mahigpit na pagbabawal sa pagputol ng bakawan at kumbersyon ng mga pangisdaan sa pribadong gamit.

9. Karapatan sa malayang pag-oorganisa ng maliliit na mangingisda.

10. Karapatan sa paninirahan ng maliliit na mangingisda sa mga lugar na malapit sa pinanggagalingan ng kanilang kabuhayan.

D. Para sa Maralitang Lungsod at Kanayunan

1. Absolutong pagbabawal at iligalisasyon sa marahas na demolisyon at pwersahang ebiksyon sa mga lupaing pag-aari ng gubyerno o malalaking pribadong korporasyon o negosyante. Lutasin ang mga sigalot sa kaparaanan ng negosasyon nang walang banta ng dahas, panlalansi o panunuhol, at i-criminalize ang mga paglabag dito.

2. Walang relokasyong dapat maganap kung hindi sinang-ayunan ng apektadong maralita para garantisadong mas maigi ang magiging kalagayan ng masa kaysa sa kanilang panggagalingang komunidad. Ang pagtatakda ng ganitong istandard ang magtitiyak na madadaan sa negosasyon ang mga sigalot at maiwasan ang pwersahang ebiksyon.

3. Sa malalaking proyekto ng gubyerno at/o pribadong sektor na apektado ang maralita, isabatas ang pagpasok ng social cost sa project cost at dapat ang masang maralita mismo ang magtakda ng istandard sa pagkwenta ng social cost.

4. Iprayoridad at garantiyahan ang abot-kayang pabahay, trabaho at kabuhayan para sa sustenidong pagpapaunlad sa mga maralitang komunidad

5. I-repeal ang UDHA dahil ang balangkas nito ay hindi komprehensibong solusyon sa problema ng maralitang lungsod, kundi mas nilulutas kung paano mapapalayas ang mga maralita sa mga lupaing gustong bawiin ng gubyerno o kamkamin ng pribado. Dapat magkaroon ng batas at programa, at tiyakin ang partisipasyon ng mga maralita sa pagbabalangkas at pagtataguyod nito para sa komprehensibong solusyon sa problema ng mga maralitang lungsod.

6. Isabatas ang Magna Carta ng Maralitang Lungsod at Kanayunan.

7. Palakihin ang alokasyon sa badyet ng gubyerno para sa pangmasang pabahay.

E. Para sa Kababaihan

Sa kabila ng panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitikang pagsulong ng kalagayan ng kababaihan sa modernong panahon, nananatili pa rin ang pagsasamantala at pang-aapi batay sa kasarian at pagkakait ng pantay na pagturing at pagkilala sa kababaihan.

Malaking bahagi pa rin ng kababaihan ang itinatali sa “gawaing bahay” o “domestikong pang-aalipin. ” Kahit ang kababaihang may trabaho ay di lubusang makalahok sa buhay panlipunan dahil sa dobleng pasanin sa buhay—ang pagtatrabaho at “gawaing bahay.”

Bunga ng api at dominadong kalagayan ng kababaihan na bumubuo ng kalahati ng populasyon at kalahati ng lakas paggawa ng lipunan ipinagkakait sa kanila ang papel sa panlipunang produksyon at benepisyo ng panglipunang progreso dahil sa kanilang kasarian.

Ang sumusunod na demokratikong mga reporma para sa kababaihan ang ipaglalaban ng Partido:

1. Pantay na karapatan at oportunidad sa trabaho at sweldo. Pagtanggal ng mga balakid, tulad ng diskriminasyon ng lipunan, panunupil ng estado at karahasan sa kababaihan, na sumasagka sa lubos na paglahok sa produksyon at ekonomiya.

2. Pantay na karapatan sa representasyon sa mga institusyon ng gubyerno at maging sa mga pribadong institusyon at organisasyon. Pagtanggal ng mga balakid sa lubos na paglahok sa pampulitika at panlipunang mga gawain.

3. Karapatan ng kababaihan na magpasya sa kanyang sarili kaya’t nararapat na garantiyahan ang kanyang karapatan sa reproductive rights at reproductive health, kabilang na dito ang ligtas na aborsyon. Absolutong ipagbawal ang forced sterilization.

4. Pagsasabatas ng diborsyo, at kagyat na pagtitiyak ng estado at mga kapitalista sa pagkakaloob ng karampatang alimony at child support. Pasimplehin ang prosesong ito at kagyat na ipagkaloob sa kahilingan ng sinuman sa mag-asawa.

5. Pagprotekta ng estado sa karapatan ng mga bata laban sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi, gaya ng child labor, child prostitution at trafficking, karahasan laban sa mga bata. Pagtatanggal ng lahat ng anyo ng diskriminasyon sa mga bata, kabilang ang sinasabing kategorya ng “illegitimate children.”

6. Eradikasyon ng sexism at sexist stereotyping sa media, mga paaralan at iba pang institusyon. Magkaroon ng sex education sa kurikulum ng mga paaralan.

7. Pagsasabatas at pagpapatupad ng mga proteksyon laban sa lahat ng porma ng karahasan sa kababaihan at pagbibigay ng mga serbisyo sa mga biktima.

8. Dekriminalisasyon ng prostitusyon sa dahilang ang kababaihan na siyang biktima ng kahirapan at bulok na sistema ng ating lipunan ang siyang tinatratong kriminal ng estado. Dapat litisin ng estado ang lahat ng kapitalista sa sex industry na kumikita sa pagsasamantala ng kababaihan at kabataan.

9. Pagkilala at pagrespeto ng estado sa sexual preference at gender preference bilang lehitimong desisyon ng indibidwal at ipagbawal ang lahat ng porma ng diskriminasyon at pang-aapi sa mga bakla at lesbiana sa trabaho, edukasyon at batas, gaya ng pagbabawal sa same-sex marriage at usapin ng child custody. Gayundin, hindi dapat pakialaman ng estado ang mga usaping sekswal hangga’t walang nasasaktan, napipilit o napagsasamantalahan.

10. Pagkilala ng estado sa iba’t ibang anyo ng relasyon labas sa matrimonya (de facto relationship) at pagkakaloob dito ng pantay na karapatang ligal at panlipunan kagaya ng mga relasyong binasbasan ng kasal o matrimonya.

11. Pagkilala ng estado at lipunan sa kahalagahan ng gawaing reproduksyon. Alinsunod dito, ipagkaloob sa lipunan ang iba’t ibang pampublikong serbisyo at programa na magpapagaan sa “domestikong gawain” gaya ng pag-aalaga ng bata, matanda at maysakit at iba pang “gawaing bahay”, at magpapaunlad sa gawaing reproduksyon. Bukod dito, sa pamamagitan ng malawakang kampanyang edukasyon ay ipalaganap ang kaisipan at kulturang kumikilala sa gawaing reproduksyon at “gawaing bahay” bilang parehong responsibilidad ng lalaki at babae.

Ang ganap na paglaya ng masang kababaihan at pagpawi ng pang-aaping batay sa kasarian ay integral sa paglaya ng uring manggagawa, sa abolisyon ng makauring pagsasamantala at sa pagsulong ng progresong panlipunan sa landas ng sosyalismo.

G. Para sa Kabataan

Ang karapatan sa ganap na pag-unlad ng kanilang potensyal bilang tao at bilang produktibong pwersa ng ating lipunan ay dapat ipagkaloob sa mga kabataan. Pero ang potensyal na ito ay nahahadlangan ng laganap na kahirapan at kapabayaan ng estado sa pangangalaga ng kanilang kinabukasan. Ang sistema ng edukasyon na dapat ay instrumento ng kanilang pag-unlad sa ilalim ng bulok na sistema ay ginawang komersyal at kolonyal.

Sa halip na maging tagapagmana lamang ng bulok sistema ang kabataan, mahalaga ang papel na kanilang gagampanan sa pagbabago ng lipunan. Kasabay ng pagsusulong ng kanilang demokratikong kahilingan, layunin natin na maibangon ang kilusang kabataan at istudyante.

Ang sumusunod ang ipaglalaban ng Partido para sa sektor ng kabataan:

1. Ipatupad ang Konstitusyonal na karapatan ng kabataan sa edukasyon. Kilalanin na karapatan hindi pribilehiyo at responsibilidad ng estado ang de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas. Itigil ang komersyalisasyon ng edukasyon. Libreng edukasyon sa lahat ng antas para sa mga kabataang walang kapasidad bunga ng kahirapan.

2. Ipatupad ang demokratisasyon ng mga kampus. Isabatas ang Magna Carta of Students na gagarantiya sa kanilang pampulitika at pang-ekonomiyang karapatan sa loob ng kanilang mga paaralan.

3. Maglaan ng trabaho para sa kabataan at pagtitiyak ng job placements.

4. Gawing makabuluhan ang sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng integrasyon ng mga kurso hinggil sa unyonismo at mga karapatan sa paggawa sa kurikulum ng college, vocational at technical courses. Isanib ang integrasyon sa batayang masa sa kurikulum ng mga paaralan.

5. Itigil ang implementasyon ng mga patakarang dikta ng IMF-WB at iba pang imperyalistang institusyon sa sistema ng edukasyon sa bansa.

H. Para sa Bangsamoro at mga Katutubong Komunidad

Demokratikong mithiin ng mamamayang Moro, Cordillera at iba pang katutubo na makawala sa ilang-siglong kaapihan sa kamay ng reaksyonaryong estadong burges-asendero. Ang istorikal at praktikal na batayan ng kanilang kaapihan ang natatanging laman ng kanilang pambansang pakikibaka para sa kasarinlan na nararapat lamang igalang at suportahan.

Kilalanin ang karapatan ng mga Moro, Lumad, at iba pang katutubo sa Pilipinas sa sariling pagpapasya. Labanan ang diskriminasyon sa kanila ng estado at lipunan, at suportahan ang pagpapayaman sa kanilang kultura. Partikular sa mga kapatid nating Moro, suportahan ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa kasarinlan.

Itigil ang gera at militarisasyon sa Mindanao, Cordillera at iba pang panig ng bansa na may paglaban ang mga Moro at katutubong komunidad. Negosasyon tungo sa political settlement na batay sa pagkilala sa karapatan sa sariling pagpapasya ang kalutasan sa armadong rebelyon ng Bangsamoro at mamamayang katutubo.

I. Para sa Kalikasan

Walang saysay ang magiging bunga ng anumang pagbabagong panlipunan kung sira naman ang kalikasan. Gaya ng sangkatauhan, ang kalikasan ay biktima rin ng kabulukan ng sistemang kapitalismo, ng kasakiman sa tubo ng kapital, ng kapabayaan ng estadong pinaghaharian ng kapital. Matitiyak lamang ang masagana at sustenableng pag-unlad ng mundo sa ilalim ng sosyalismo kung balansyado ang ekonomikong pag-unlad at proteksyon sa kalikasan. Sa ganitong batayan dapat bigyan ng halaga ang pangangalaga sa kalikasan bilang bahagi ng demokratikong pakikibaka.


1. Pagbibigay-kapangyarihan sa lokal na mga komunidad sa pangangalaga, proteksyon at rehabilitasyon at pagmamaksimisa sa likas na yaman.

2. Absolutong ipagbawal ang commercial logging sa mga lugar na kritikal na ang kalagayan ng kagubatan.

3. Ipagbawal ang pagtapon ng lason o industrial waste products ng mayayamang bansa sa mga bansang gaya ng Pilipinas.

4. Magpaunlad ng renewable na alternatibong mga panggagalingan ng enerhiya

5. Ipaglaban ang makatwiran at makatarungang kompensasyon sa pagkasira ng kalikasan na dulot ng mga kompanyang multinasyunal.

6. Paunlarin ang isang sustainable land and water use policy.

7. Ipawalang-bisa ang bio-prospecting law na nagbibigay-laya sa mga dayuhan na magsagawa ng mga pananaliksik at pagtuklas sa kalikasan, at ariin ang resulta ng mga pag-aaral na ito. Sa maksimum, dapat ipagbawal ang paggamit ng teknolohiya sa produksyon na nakakasira sa kalikasan. Itigil ang produksyon ng mga kalakal na gumagamit ng genetically modified organisms.

8. Ipatupad ang isang komprehensibong waste management scheme. Mahigpit na ipatupad ang anti-pollution laws.

9. Pagbabawal sa lokal at dayuhang mga kapitalista sa paggamit ng natural resources kung ito ay makasisira ng kalikasan.

10. Suportahan, paunlarin at itaguyod ang lokal at katutubong mga teknolohiya sa produksyong nakapagbibigay-proteksyon sa kalikasan.

L. Repormang Pampulitika

Ang kabulukan ng sistemang pang-ekonomiya sa bansa na tanging ang naghaharing mga uri ang nagpapasasa ay ginagawang mas malubha at mas masahol ng kabulukan ng kabuuang gubyernong kontrolado rin ng naghaharing mga uring ito.

Talamak ang katiwalian sa buong burokrasya ng estado mula lokal hanggang pambansang antas, at sa bawat sangay at ahensya ng pamahalaan, mula ehekutibo hanggang lehislatura at pati ang mga hukuman. Ang buong makinarya ng militar at pulisya ay inuuod na sa kabulukan.

Ang tuwirang nagpapayabong sa sistema ng kulturang ito ng katiwalian ay ang naghaharing reaksyonaryong pulitika sa bansa, ang klase ng halal na mga opisyal ng gubyerno at ang pampulitikang modus operandi ng masasalapi sa lipunan na walang iba kundi ang burgesya at mga asendero.

Bulok ang gubyerno sapagkat bulok ang naghaharing mga uring pinagsisilbihan at kumukontrol nito. Walang ibang paraan para linisin ang pamahalaan kundi walisin ito sa rebolusyonaryong paraan, ibagsak ng isang rebolusyon at tiyaking sa pagbagsak nito’y mawawalan ng kapangyarihan ang kasalukuyang mga uring humahawak nito at hindi na muling makababalik sa poder.

Ngunit hindi ibig sabihin na dahil ang tangi at tunay na solusyon sa klase at grabidad ng kabulukan ng gubyerno sa Pilipinas ay isang rebolusyon ng bayan ay wala nang lugar at wala nang katuturan ang pakikibaka para sa repormang pampulitika. Ang matyuridad ng masa para sa isang rebolusyon ay depende sa kanilang pampulitikang matyuridad. Ang matyuridad na ito ay umuunlad sa kaparaanan mismo ng pakikibaka para sa demokratikong repormang pampulitika. Ang kongkreto at kolektibong karanasan ng masa sa pakikibakang ito ang kukumbinsi sa kanila na walang ibang landas ng pampulitikang pagbabago kundi ang landas ng pampulitikang rebolusyon.

Tama lamang lumahok at manguna ang rebolusyonaryong proletaryado sa mga pakikibaka para sa repormang pampulitika sa ilalim ng burges na estado upang samantalahin ang maipapanalong mga reporma at gamitin ang mga pakikibaka para rito upang mapalakas ang sarili at mapabilis ang pampulitikang matyuridad bilang uri at bilang partido, at maipakita sa sambayanan kung alin sa mga uri at partido ang tunay na desidido at may kapasidad sa pampulitikang pagbabago.

Kabilang sa pangunahing mga repormang pampulitikang dapat ipaglaban ay ang reporma sa sistemang elektoral, sistema ng partidong pampulitika at sistema ng parlamentaryong demokrasya. Mainam na larangan ng labanan ang loob at labas ng isang halal na Kumbensyong Konstitusyonal na magbubukas ng oportunidad para sa isang malawak na kilusang demokratiko para sa pampulitika at panlipunang pagbabago.

Ngunit ang pinakapundamental na repormang pampulitikang dapat ipaglaban ay ang paggigiit ng pampulitikang soberenya at kasarinlan ng Pilipinas mula sa dominasyon at interbensyon ng imperyalistang mga bansa at pwersa. Sa panahong ito ng globalisasyon, ang anti-kapitalistang linya ng rebolusyonaryong proletaryado ay dapat sumulong sa malakas na agos ng nasyunalismo at patriotismo ng pangkalahatang kilusang demokratiko. Ang maka-imperyalistang patakarang panlabas ng reaksyonaryong papet na estado ay dapat maging sentro ng atake ng rebolusyonaryong proletaryado at sambayanang Pilipino.

Sa partikular, dapat nang buwagin ang mga kasunduang militar sa imperyalismong Estados Unidos. Paalisin ang mga dayuhang tropang militar sa lupain ng Pilipinas at itigil ang military exercises. Tutulan ang muling pagtatayo ng mga base militar ng Amerika at panatilihing walang armas nukleyar sa bansa.

M. Repormang Pang-ekonomiya

Ang repormang pang-ekonomiyang magagawa sa panahon ng demokratikong pakikibaka ay nasa balangkas pa rin ng kapitalistang relasyon sa produksyon. Ngunit hindi ito dahilan para ang sosyalistang solusyon ay hindi ipalaganap at ipaunawa sa masang anakpawis at sa buong sambayanan. Ang mapagpasyang pwersa sa pang-ekonomiyang pag-unlad ay hindi pa isang depinidong programang pang-ekonomiya na nakapirmi ang detalyadong mga patakaran sa kalagayang nariyan ang realidad ng globalisadong mundong pinaghaharian ng imperyalismo. Ang krusyal na salik ay ang pampulitika at patriotikong kapasyahan ng mamamayan na paunlarin ang ekonomiya ng bansa batay sa antas ng pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon at pagpapaunlad ng mga relasyon sa produksyon na ginagabayan ng mga prinsipyo ng panlipunang progreso at hustisyang panlipunan.

1. Dapat nang lagutin ang napakahaba’t walang patid na kasaysayan ng dayuhang dominasyon sa Pilipinas na siyang namumukod na dahilan ng atrasadong pag-unlad ng ekonomiya. Sandaang taon nang ang Pilipinas ay nasa ilalim ng imperyalistang dominasyon ng US at ang kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ang nagpapatunay na pagsasamantala at panghuhuthot ang interes nito sa Pilipinas at hindi pakikipagkaibigan. Dapat nang tigilan ang baluktot na katwirang walang alternatiba kundi manatiling nakasandig sa US at lalo lamang mapapasama kapag hindi sumunod sa mga kagustuhan nito.

Ang isang bansang nasa imperyalistang dominasyon ay nakalubog sa isang kumunoy at wala nang sasahol pa sa ganitong sitwasyon. Kahit sa globalisadong mundo ay maaaring magsarili ang Pilipinas sa pang-ekonomiyang landas ng pag-unlad basta may kapasyahan ang gubyerno at nagkakaisa ang sambayanan. Pampulitikang kapasyahang nagsasariling paunlarin ang bansa ang kinakailangang hakbang sa pang-ekonomiyang progresong ang pinakasimulain ay progreso at hustisyang panlipunan.

2. Dapat itigil ang pagsandig ng Pilipinas sa dayuhang puhunan at dayuhang pautang dahil mas malaki ang nagiging kapalit nito kaysa pakinabang na pang-ekonomiyang pag-unlad. Tama lamang na papasukin ang dayuhang mga imbestor ngunit batay sa mga kondisyong itatakda ng pambansang interes. Ang pagbabayad sa dayuhang mga pautang ay dapat batay sa kapasidad at prayoridad ng bansa.

May sapat na kayamanan at puhunang nakaimbak ang Pilipinas para paandarin ang ekonomiya ng bansa nang hindi nagpapaalipin sa imperyalistang puhunan at pautang. Kung sa simula’y kailangang maghigpit ng sinturon ang sambayanan dahil sa panggigipit ng imperyalistang mga pwersa, ito ay dapat isagawa sa patriotikong panawagan ng pagkakaisa para pasimulan ang pagtindig ng bansa sa sariling paa at humakbang patungo sa sariling landas.

3. Kailangang pasimulan ang rebelyon sa imperyalistang globalisasyon at mga dikta ng IMF-WB/WTO dahil sa ultimong pagsusuri, kapag nanatili sunud-sunuran, lulubog at lulubog din sa krisis ang bansa gaya ng nagaganap sa kasalukuyan. Sa igting ng kompetisyong pinakawalan ng obhetibong batas ng globalisasyon, mas makakalarga ang ekonomiya ng Pilipinas sa kompetisyong ito kung hindi nagpapadikta at nagpapatali sa mga kondisyong itinatakda ng imperyalistang mga pwersa.

Mismo ang maigting na kompetisyon ng imperyalistang mga bansa at ng indibidwal na kapital sa pandaigdigang larangan ay maaaring gamitin at samantalahin ng mga bansang gaya ng Pilipinas batay sa nagsasarili nitong interes at sariling patakaran sa panlabas na kalakalan.

4. Dapat distrungkahin ang export-oriented, import-dependent na linya ng palsipikadong pag-unlad at halinhan ng patakaran ng industriyalisasyon ng ekonomiya at modernisasyon ng agrikultura na prinsipal na nakasandig sa pagsulong ng panloob na pangangailangan, pamilihan at sariling mga kalakal, at na sinasamantala ang natatanging likas yaman ng bansa at nag-aangkat lamang kung lubos na kinakailangan.

5. Isabansa ang susing mga korporasyon sa istratehikong mga industriya. Palakasin sa halip na pahinain ang pampublikong sektor ng ekonomiya sa kondisyong ang nakatayo ay isang matino, progresibo at makamasang gubyerno.

Ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan

Ang prinsipal na layunin ng kasalukuyang yugto ng rebolusyon ay isulong ang pakikibaka para sa demokrasya sa kaparaanan ng isang matagumpay na demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamumuno ng uring manggagawa. Dapat gamitin ang pakikipaglaban para sa demokratikong reporma tungo sa ganitong layunin. Sa tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan, ang kalakhan ng demokratikong programa ay maipatutupad sa isang bigwas at maaring lagpas pa dito. Ito rin ang pinakamainam na tuntungan ng uring manggagawa para sa paglulunsad ng sosyalistang rebolusyon.

1. Ang sentral na tungkulin ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay itayo ang rebolusyonaryong gobyerno ng manggagawa at magsasaka, kabilang ang iba pang demokratikong pwersa at partidong aktibong lumahok sa rebolusyon ng bayan.

Ang tungkulin ng gobyernong ito ay konsolidahin ang tagumpay ng demokratikong rebolusyon, sugpuin ang paglaban at pananabotahe ng bumagsak na dating naghaharing mga uri at biguin ang imperyalistang mga pakana at interbensyon. Sa pinakamaagang panahon ay balangkasin at pagtibayin sa pinakademokratikong paraan ang isang demokratikong konstitusyon na gagarantiya sa pinakamalawak na demokratikong karapatan at kalayaang pampulitika para sa proletaryado at masang anakpawis.

2. Itatag ang mga institusyong pang-estado na magsasabuhay sa direktang demokrasya. Payabungin ang mga porma ng organisasyon na magsisilbing ekspresyon ng kapangyarihan ng masang manggagawa at maralita.

Armasan ang mga manggagawa at magsasaka para buuin ang rebolusyonaryong hukbo ng bagong gobyerno ng masang anakpawis. Ang bawat manggagawa at magsasaka ay ipapailalim sa kaukulang pagsasanay militar at peryodikal na maninilbihan bilang milisyang bayan at reserbang sundalo ng pamahalaan.

3. Kumpletuhin ang rebolusyong agraryo at ganap na pawiin ang mga labi ng pyudal, malapyudal at pre-kapitalistang mga anyo ng pagsasamantala na umiiral pa sa kanayunan.

Ikampanya ng Partido ang makauring linya ng proletaryado hinggil sa repormang agraryo. Ang pinakarebolusyonaryong nilalaman nito ay ang nasyonalisasyon ng lupaing agrikultural. Gayunman, ang pagsasakatuparan nito ay nasa pagsang-ayon ng uring magsasaka at masang anakpawis sa kanayunan.

Subalit kung nanaisin ng uring magsasaka at mga anakpawis sa kanayunan, kikilalanin ng Partido ang radikal na redistribusyon ng lupa na pabor para sa maliliit na magsasaka. Kabilang dito ang mga lupain ng cronies, tiwangwang na mga lupaing gobyerno, mga lupaing hawak ng simbahan at mga lupaing inagaw sa mga tribo.

4. Pagwawakas ng pambansang pang-aapi, pang-aabuso at diskriminasyon laban sa bansang Moro at Cordillera, sa mamamayang Lumad, at sa mga mamamayang kabilang sa grupong etniko at indigenous. Kikilalanin ang karapatan sa sariling-pagpapasya ng inaaping mga bansa sa loob ng Pilipinas, kabilang ang paghihiwalay at pagtatayo ng sariling estado.

5. Pagsusulong ng ganap na pagkakapantay ng babae at lalaki sa mga karapatang pang-ekonomiya, pampulitika at panlipunan.

6. Pagwawakas ng imperyalistang pagsasamantala, dominasyon at imposisyon sa pambansang ekonomiya, pulitika at militar. Pagwawaksi ng lahat ng utang sa dayuhang mga bangkong multilateral at pribado. Pagwawaksi ng lahat ng dikta at imposisyon ng dayuhang mga institusyon, kabilang ang WTO at IMF-World Bank. Pagwawaksi ng lahat ng kasunduang militar sa imperyalismong Estados Unidos.

7. Pagpapatupad ng transisyonal na mga hakbang para sa sosyalistang reorganisasyon ng ekonomiya. Kabilang dito ang: (1) Pagkontrol ng rebolusyonaryong estado sa mga pangunahing haligi ng ekonomiya sa pamamagitan ng nasyonalisasyon ng mga bangko, institusyong pinansyal at monopolyo; (2) Pagwawakas ng lahat ng sikretong komersyal ng mga kapitalista at pagsasanib ng mga bangko, institusyong pinansyal at mga grupo ng negosyante sa ilalim ng iisang asosasyon para mainam na maisulong ang sentralisadong pagpaplano ng ekonomiya; at (3) Pagkontrol ng mga manggagawa sa kanilang mga pagawaan.

8. Ang pagpapatupad sa mga hakbanging ito ng rebolusyonaryong estado ng manggagawa at magsasaka ay krusyal para sa pagsulong sa susunod na yugto, ang pagtatayo ng estado ng manggagawa at pagpapatupad ng sosyalistang programa. Sa ilalim ng estado ng uring manggagawa, ang sosyalistang transpormasyon ng lipunan ay gradwal at hakbang-hakbang na isusulong sa paglahok ng masa ng uring manggagawa.

***