Make your own free website on Tripod.com




STATEMENTS & PRESS RELEASES

 

Statement of the Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP) 
Ika-4 Oktubre 2002


Tutulan ang globalisasyong delubyo sa industriya at agrikultura
 Ipaglaban ang proteksyon sa manggagawa at magsasaka

 

Sa darating na Oktubre 16, ipagdiriwang sa buong daigdig ang World Food Day. Angkop na okasyon ang petsang ito upang patingkarin ang delubyong dala ng globalisasyon sa industriya at agrikultura, hilingin ang proteksyon sa manggagawa at magsasaka laban sa globalisasyon, at usigin ang rehimeng Arroyo sa pagpapatupad nito ng imperyalistang globalisasyon. 

Sa araw ng World Food Day dapat mapatampok ang kabalintunaang laganap ang kagutuman at kasalatan sa buong mundo sa gitna ng kasaganahang likha ng modernong produksyon. Dapat malantad ang katotohanang ang liberalisasyon ng ekonomiya ay instrumento ng imperyalistang mga bansa para dominahin ang atrasadong mga bayan. Dapat mahubaran ang alamat ng "malayang kalakalan" at "malayang kompetisyon" sa panahong namamayagpag ang monopolyo kapital sa buong daigdig. 

Magandang oportunidad ang okasyon ng World Food Day para ilunsad ang alyansa ng manggagawa at magsasaka, para bigkisin ang pagkakaisa ng masang anakpawis. Una, ang pagkakaisa ng manggagawa, maralita at magsasaka ay matibay na ipundar sa batayan ng komon na pakikibaka laban sa salot na globalisasyon. Ikalawa, ang paghihinang ng alyansa ng proletaryado at pesante ay krusyal sa pagsusulong ng pangkalahatang demokratikong pakikibaka, at susi sa pagwawagi ng demokratikong rebolusyong bayan. Ikatlo, bigkisin ang pagkakaisa ng manggagawa at magsasaka, ng mga prodyuser at konsumer sa harap ng reaksyunaryong taktika na hatiin ang hanay ng masang anakpawis. 

Isang mapanlasong kasinungalingan ang ibinubuga ng estado na makikinabang ang sambayanang Pilipino, laluna ang manggagawa at maralita, sa liberalisasyon. Una, diumano mas murang angkat na pagkain at produkto ang maaring bilhin ng mga konsumer. At ikalawa, anila'y magiging mas episyente ang lokal na industriya at agrikultura dahil oobligahin ng kompetisyon ng mas murang produkto mula sa ibayong dagat. 

Pawang kalokohan ang mga ito, gaya ng pangakong magmumura ang tubig at kuryente dahil sa pribatisasyon. Sa simula ay dadagsa ang pagkain at produkto na mas mura ang presyo kasya sa ani at gawang lokal. Pero matapos matalo ng dayuhang produkto ang gawang lokal, mananaig na ang dayuhang monopolyo sa lokal na ekonomiya. Kapag durog na ang kompetisyon at nangibabaw na ang monopolyo kapital, kaya nitong kontrolin ang presyo at sa malao't madali itataas ang presyo para mapalaki ang tubo. 

Higit pa rito, kapag nawasak ang pambansang ekonomiya ng dayuhang kompetisyon, mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa at ng kabuhayan ang mga magsasaka. Ang mga konsumer na kunwa'y makikinabang sa murang presyo ay mga prodyuser din na sasalantain naman ng di-pantay na kompetisyon ng dayuhang produkto at monopoyo kapital. 

Ang kahilingan ng mga magsasaka para sa proteksyon laban sa globalisasyon ay kahalintulad din ng panawagan ng mga manggagawa at maralita. Ang masang anakpawis sa kabuuan ay

sinasalanta at dinedelubyo ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Kung epidemya ang sarahan ng pabrika at tanggalan sa trabaho, kaliwa't kanan naman ang bentahan ng lupa dahil sa pagkalugi ng mga magsasaka. Kung ang patakaran ng estado sa mga manggagawa ay baratin ang sahod, ang aktitud naman nito sa mga magsasaka ay bawasan ang subsidyo. Kung nakikibaka ang mga manggagawa para sa seguridad sa trabaho at karapatan sa paggawa, inilalaban naman ng magsasaka ang subsidyo sa pagsasaka at repormang agraryo. Ang kahilingan ng mga manggagawa na tutulan ang mga imposisyon ng WTO ay panawagan din ng mga magsasaka, kasama ng paggigiit na alisin ang agrikultura sa saklaw ng imperyalistang institusyong ito. 

Ang pagbatikos sa pagpapakatuta ng rehimeng Arroyo sa imperyalismo at ang pagbasura sa WTO bilang instrumento ng globalisasyon ang wastong pampulitikang panawagan sa Oktubre 16. Ang kagutuman at kahirapang palalalain ng liberalisasyon ng agrikultura, kasama ang bigas, ang angkop na maging linyang pang-ahitasyon. 

Isang taktikal na laban para sa mga magsasaka--na dapat lamang suportahan ng mga manggagawa at maralita--ang pagdiskaril sa panukalang batas sa Kongreso hinggil sa liberalisasyon ng agrikultura. Kung mailulusot ang batas na ito, malalagay sa peligro ang kinabukasan ng lagpas 2 milyong magsasaka ng palay at kanilang pamilya. Hindi lamang ang mga magsasaka kundi ang sambayanang Pilipino ang pipinsalain nito sapagkat mawawalan ng seguridad sa pagkain ang bansa at aasa na ito sa angkat na ani. Ang seguridad sa pagkain ay usapin ng pambansang interes at kapakanan ng sambayanan. Ang isang bayang walang sapat na ani at imbak na batayang pagkain, gaya ng bigas, at sa halip nakaasa sa angkat na produkto, ay peligrosong makontrol at madominahan ng ibang bansa. 

Sa World Food Day, mahusay na ekspresyon ng alyansa ng proletaryado at pesante ang salubungin ng mga manggagawa at maralita ng NCR ang mobilisasyon ng mga magsasaka mula sa mga karatig probinsya. Ang pagkakaisa ng manggagawa at magsasaka sa aktwal na laban, batay sa linyang anti-globalisasyon, ay dapat magsilbing inspirasyon sa demokratikong pakikibaka ng buong sambayanan. 

Dapat lahukan ng rebolusyonaryong mga pwersa at pangunahan ng mga partidista at aktibista, ang kilos-protesta ng masang anakpawis sa Oktubre 16. Organized mobilization ang ating panawagan para tiyakin ang humigit-kumulang isang libong manggagawa at maralita na sasalubong sa ganoon din karami o higit pang mga magsasaka. 

Gagamitin natin ang mobilisasyon sa World Food Day para ipakilala at ilunsad ang alternatibong militanteng pampulitikang sentro ng uring magsasaka. Kasapi ng pormasyong ito ang mga samahang magsasaka na nasa pamumuno ng Partido. Dapat samantalahin ang pormasyong ito at ang mobilisasyon para ipalaganap ang paninindigan ng Partido sa imperyalistang globalisasyon at ipanawagan sa masang magsasaka ang makauring linya hinggil sa usaping agraryo.###